Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. FEU vs Ateneo
4 p.m. UST vs Adamson
Team Standings: FEU (8-2); NU (7-3); La Salle (6-4); UE (5-4); Ateneo (5-4); UST (4-5); Adamson (3-7); UP (0-9)
NAKITANG muli ang puso at determinasyon ng Far Eastern University nang talunin ang University of the East sa double overtime, 98-94, sa 76th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Gumawa ng mahalagang tres si Terrence Romeo na nagbigay ng 95-91 kalamangan bago nanalo sa jumpball kay Roi Sumang sa huling mga segundo ng laro para wakasan ng Tamaraws ang dalawang sunod na pagkatalo at manatiling nagsosolo sa liderato sa 8-2 baraha.
Matapos malimitahan sa 20 puntos sa laro laban sa National University at La Salle, si Romeo na dumanas ng sprained ankle sa huling yugto ay gumawa ng 30 puntos bukod pa sa pitong rebounds, apat na assists at tatlong steals para ipakitang kaya pa niyang balikatin ang koponan.
Wala si RR Garcia dahil suspindido ito matapos ang ikalawang unsportsmanlike foul sa huling laro pero naroroon ang suporta nina Gryann Mendoza, Mike Tolomia at Anthony Hargrove upang manalo pa kahit nakahulagpos ang malaking kalamangan sa kaagahan ng labanan.
Nakasalo naman ng Red Warriors sa 5-4 baraha ang Ateneo de Manila University na tinalo ang Adamson University, 79-66, sa unang laro.
Sina Kiefer Ravena at Ryan Buenafe ay gumawa ng tig-18 puntos para sa Eagles na kinakitaan ng mabangis na laro sa ikatlong yugto para iwanan ang Soaring Falcons.
Isang 24-6 palitan sa ikatlong yugto ang naglayo sa Eagles sa 57-32 papasok sa ikaapat na yugto para kunin ng tropa ni Ateneo coach Bo Perasol ang ikaapat na sunod na panalo tungo sa 5-4 kartada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.