Kudeta daw laban sa House speaker maugong
Hindi pa man nag-iinit sa pwesto bilang pinuno ng mababang kapulungan ng kongreso ay maugong na ang balita na may mga balak magkudeta kay House Speaker Lord Allan Velasco.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin umano ramdam ng ilang mga kongresista ang leadership style ng kanilang house speaker.
Sinabi ng aking cricket sa Batasang Pambansa na kabado ang ilang mga depotado dahil baka nga naman hindi sila matulungan ng liderato ng kamara sa kanilang re-election bid sa 2022.
Kabado rin sila na baka sumadsad ang performance ng kamara kapag nagpatuloy ang istilo ng pamamahala ni Velasco.
At syempre pa, hindi naman uusok ang usapin sa kudeta kung walang pangalan na ilulutang bilang alternatibong lider ng lower house.
Usap-usapan ngayon ang posibilidad na isang mestiso at beteranong kongresista mula sa Eastern Visayas ang sinisipat nilang ipalit kay Velasco.
Ito daw ang nakikita nilang magsasalba sa kanilang mga ambisyon na manatili sa kani-kanilang pwesto.
Bukod sa mahusay na mambabatas at may malawak na karanasan sa legislative work ay hindi rin daw isnabero si Cong. M. na kanilang inaasahang papalit kay Velasco.
Sinabi naman ng aking cricket na alam ng house speaker ang balak ng ilang mga kongresista na mapatalsik sya sa pwesto kay naglatag na rin ng plan B ang kampo nito.
Katulong umano ni Velasco ang kanyang mga solid supporter sa kamara sa paggapang para maagapan ang inilulutong coup.
Ang kongresista na sinasabing posibleng pumalit kay Velasco sakaling matuloy ang kudeta sa kamara ay si Mr. M…as in Martilyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.