Ynna Asistio umamin: Atat na atat na po akong magpakasal, pero…
“SA totoo lang po, atat na atat na akong magpakasal, pero nang dumating itong mga nangyayari sa career ko, ito po muna ang uunahin ko.”
Ito ang pagtatapat ni Ynna Asistio sa panayam nito sa Facebook Live sa ilang katoto.
Ang tinutukoy ng aktres ay ang pagkakaroon niya ng bida role sa romance-drama TV series na “Ang Daigdig Ko’y Ikaw” kasama si Geoff Eigenmann na mapapanood sa NET 25 produced ng Eagle Broadcasting Corporation.
Ang plano kasi noon ni Ynna ay magpapakasal siya sa edad na 27 pero 29 na siya ngayon kaya lumampas na, at naisip niyang makapaghihintay ang lahat dahil kailangan niyang unahin ang karera.
“Gusto ko po kasing mag-asawa at magkapamilya na since galing ako sa malaking pamilya at masaya kaya gusto ko ganu’n din ako,” sabi pa niya.
Hindi binanggit ni Ynna kung sino ang kanyang boyfriend, “Pribadong tao po siya, natuto na po akong hindi na lang i-public kasi dati po well-publicized, e, mas okay ang tahimik.”
Ang tinutukoy ni Ynna na well-publicized ay ang naging relasyon nila noon ng aktor na si Mark Herras.
“Okay po kami, may komunikasyon kami saka magkakilala po kami ni Nicole (Donesa, bagong partner ni Mark na buntis na ngayon),” sabi nito.
Samantala, naikuwento rin ng dalaga ang nangyari sa kanila noong humagupit ang bagyong Ulysses kung saan inabot ng tubig-baha ang loob ng bahay nila sa Cainta, Rizal.
“Sobrang bilis po ng nangyari, birthday po ng sister ko, si Issa, ‘yung pang-apat,kaya gising pa kami ng 5 a.m.. Tapos kinatok lang kami sa gate para sabihing binabaha na ‘yung street.
“Usually po kasi sa village namin kami ‘yung highest point so, lahat po ng mga kotseng nasa malalim na lugar mga phase 2 to 3 sa amin po naka-park.
“But this time po, ang nangyari may creek po kasi ‘yung katabing village namin na nag-overflow and then ‘yung barrier po katabi ng bahay namin, so nasira po ‘yun nu’ng bagyo so sa amin po napunta lahat ng tubig.
“Sobrang bilis po umangat ng tubig. Pag nasa loob po ng bahay hanggang beywang, pero sa street po mas mataas pa sa beywang.
“Buti na lang po may second floor kami kaya lahat ng kaya naming buhatin paakyat, pero marami pa rin kaming gamit na hindi nakuha. Okay naman po kami, hindi lang namin na-check kung okay kasi wala pa kaming kuryente, pero kahapon po naglinis na kami,” pahayag ng aktres.
Unang beses makaranas ng baha ang pamilya nina Ynna dahil nu’ng Ondoy ay hindi pa sila nakatira sa Cainta.
“Four years palang po kami sa bahay namin ngayon at nu’ng Ondoy po nasa White Plains pa po kami kaya hindi namin naranasan ang mabaha pa,” say ng dalaga.
Positibo si Ynna, alam niyang malalampasan nilang lahat ng ito at alam niyang makakabangon muli sila soon.
Going back to “Ang Daigdig Ko’y Ikaw”, nagkaroon sila ng bonding ng leading man niyang si Geoff nu’ng naka-lock in taping sila sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bataan.
Sa tanong kung hindi ba siya pagseselosan ng fianceé ni Geoff na si Maya Flores na may tatlo nang anak, “Kaibigan ko po si Maya,” sambit ni Ynna.
At higit sa lahat, happy ang aktres sa piling ng kanyang boyfriend sa loob ng tatlong taon na ayaw na niyang pangalanan.
Ang TV series nina Geoff at Ynna na “Ang Daigdig Ko’y Ikaw” ay mapapanood tuwing Sabado simula Nob. 28, 8 p.m. sa NET 25.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.