Mimiyuuuh sa bashers: You’re all hating there but watch us getting money…
NAKAKA-GOOD vibes ang chikahan ng Kapamilya actress na si Bea Alonzo at ng online sensation at vlogger na si Mimiyuuuh.
Napanood namin ang latest vlog ni Bea kung saan inimbitahan nga niya ang YouTube content creator at fashion designer bilang special guest.
Dito napag-usapan nina Bea at Mimiyuuuh ang tungkol sa kahalagahan ng edukasyon at kung paano mapapanatiling positibo ang pananaw sa buhay sa kabila ng mga kanegahang dulot ng mga bashers at haters.
Payo ni Mimiyuuuh sa mga kabataan, lalo na sa mga kumikita na, sikapin pa ring makapag-aral at maka-graduate sa college dahil totoong-totoo ang laging sinasabi ng mga magulang na iba pa rin kapag nakapagtapos ang isang tao.
Bago umariba si Mimiyuuuh bilang vlogger at social media influencer, talagang kinarir niya ang pag-aaral hanggang sa matapos niya ang kursong fashion design sa Dela Salle, College of St. Benilde.
“Kayo guys, kung may opportunity na kayo na mag-aral, tapusin niyo ang pag-aaral niyo kasi ang daming taong nahihirapan mag-aral ngayon,” advice ni Mimiyuuuh sa mga kabataan na agad namang sinang-ayunan ni Bea sabay sabing, “That’s the best thing you said today.”
Sinisiguro raw lagi ni Mimiyuuuh na bukod sa matutuwa at maaaliw ang kanyang fans at subscribers sa kanyang vlogs, kailangang may matututunan din ang publiko kahit paano.
“Eh, kasi being a vlogger, you have a responsibility. You should consider ang audience mo. Lalung-lalo na hindi mo nako-control sino ang audience mo,” chika pa ni Mimiyuuuh.
Samantala, inamin din nina Bea at Mimiyuuuh na naaapektuhan din sila ng mga pamba-bash sa social media lalo na kung below the belt na ang mga paninira at panglalait sa kanila.
Pero sa ngayon daw, hindi na nila masyadong pinapansin ang mga kanegahan sa socmed, mas binibilang na lang daw nila ang blessings na dumarating sa buhay nila.
“Siyempre hindi naman ako ipokrita. Naa-affect talaga ako. But siguro, being in the industry for 20 years, parang naging training ko na ‘yun to just shrug it off.
“I mean, this may be a source of income, this may be your job or your career, but you have another life after this,” sey ni Bea.
Para naman kay Mimiyuuuh, may mga hate comments man tungkol sa kanya, iniintindi na lang daw niya kung bakit nakapagsasalita ng masasakit sa kanilang kapwa ang mga taong ito.
“Basta nu’ng nagbasa po ako ng comment tapos may isa akong nabasang negative, naapektuhan po ako.
“Pero ‘yung mga real friends ko po, ‘yung mga hindi ko po talaga nasasama sa mga vlog ganyan, ang sabi po nila sa akin, bakit mo naman hahayaang maapektuhan ka ng isang negatibong comment kung mas marami naman po ‘yung mas positive na comment,” katwiran ng sikat na YouTuber.
Mensahe pa niya sa mga nega, “At kayo naman po, kung wala po kayong nais na magandang sabihin, ‘wag na po kayong mag-type type ng kung anu-anong negatibo.
“‘Di naman po kayo kumita kapag nagsasabi kayo ng ‘Uy ang panget mo naman Mimi, ‘di ba? Wala naman positive na napunta sa inyo, you know what I’m saying? You’re all hating there but watch us getting money,” chika pa ni Mimiyuuuh.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.