Dingdong: Marami talagang walang puso na nagagawang manloko ng kapwa
DUMARAMI ang scammers at sindikato na nambibiktima ng mga inosenteng Pinoy na umaasa ngayon sa delivery app para sa kanilang supplies.
Kaya naman ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang mga ganitong modus para sa nalalapit na pagbubukas ng sarili niyang delivery business, ang Dingdong PH.
Ilang kaso na ng panloloko ang nai-report sa mga otoridad at mga nag-viral sa social media na may kinalaman sa mga naglipana ngayong pekeng delivery business.
Isa na nga rito ang viral na Facebook post tungkol sa nangyaring scam sa Pilar Village, Las Piñas City kung saan nagreklamo ang ilang online food delivery riders na nabiktima ng isang pekeng customer.
Mahigit 10 delivery riders ang nagoyo ng isang nagngangalang “AJ Pande” na umorder ng kung anu-ano pero wala naman pala sa address na ibinigay nito. Nag-report na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang tunay na may-ari ng bahay.
Ngayong darating na Nobyembre ilulunsad na nina Dingdong ang Dingdong PH delivery app at talagang ginawa nila ang lahat para masigurong safe ang kanilang delivery riders sa mga ganitong scam.
“Alam n’yo marami talagang walang puso na nagagawa ‘yun para lang manloko ng kapwa. That’s why ‘yung mga safety measures talagang tina-tighten natin dito sa app,” pahayag ni Dong sa panayam ng Kapuso ArtisTambayan.
Ayon sa “Descendants of the Sun” lead actor, kasama niya sa negosyo ang ilang magagaling na technology professionals para siguruhin ang safety ng kanilang customers at riders.
Isa sa mga naisip nilang paraan ay ay ang mas effective na payment options na swak sa mga online business, “One way really is to automate everything, especially the payment.
“So halimbawa umorder, we will make sure that we all have the possible payment gateways para do’n pa lang matapos na ‘yung order mo, para ma-confirm na bayad na, ide-deliver na lang.
“Hindi ‘yung pagdating ng rider doon, hindi pala sa ‘yo ‘yung order tapos wala ‘yung magbabayad, ‘di ba,” pahayag ni Dingdong.
“Kasalukuyan pa ring pinapaganda (system) para maging seamless pa ‘yung customer experience so para kapag nag-order kayo, talagang walang kapalya-palya,” sey pa ng award-winning Kapuso actor.
Kung matatandaan, nabuo ang DingDong PH dahil sa kagustuhan ni Dingdong na mabigyan ng trabaho ang mga kasamahan sa showbiz na naapektuhan ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Ilan sa mga celebrity partner merchants ng delivery business ni Dong ay sina Jennylyn Mercado, Matteo Guidicelli, Neri Miranda, Nico Bolzico, Isabelle Daza at Joel Torre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.