Liza hindi takot sa mga babala ni Parlade, ayon sa abogado ng aktres

Hindi takot si Liza Soberano sa mga babalang sinabi ni Lieutenant General Antonio Parlade Jr., ayon sa abogado ng Kapamilya actress.

“Liza is not afraid of this statement from Gen. Parlade. Though I must state that we take note of the general’s advice, unsolicited as it may sound,” ayon kay Atty. Juanito Lim Jr. sa panayam ng  ABS-CBN News Channel.

Winarningan ni Parlade si Liza pati na rin si Miss Universe 2018 Catriona Gray na huwag magpapagamit sa mga maka-kaliwang grupo dahil front organization lamang ang mga ito ng Communist Party of the Philippines.

Nakibahagi kamakailan si Liza sa isang webinar ng Gabriela Youth kung saan ay emosyonal pa siyang nagpahayag ng pagkabahala sa dumadaming kaso ng pang-aabusong sekswal sa mga batang babae ngayong panahon ng pandemya.

Nilinaw ni Lim na patuloy pa ring magsasalita si Liza sa mga bagay na kanyang pinaniniwalaan dahil ito ay kanyang karapatan na protektado ng Saligang Batas ng Pilipinas.

“Please know that Ms Soberano will continue to exercise her constitutionally-protected right to free speech and expression without fear or restraint from anyone. I think I have to make that very clear right now,” ani Lim.

Matapos mabalita ang partisipasyon ni Liza sa webinar ng Gabriela Youth, binakbakan ang aktres ng YouTube vlogger na si Maui Becker. Tinawag niya ang aktres na isang “rebeldeng NPA (New People’s Army)” at sinabihan pa na  “stupid bitch” sabay utos na “manahimik” na lang at huwag makialam sa isyu ng mga bata.

Kaagad namang naglabas ng pahayag si Parlade, ang hepe ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines, at sinabing kailangang mapaliwanagan si Liza at iba pang celebrities na aniya ay target ng mga front organization ng ng mga komunista.

“She has to be protected in the exercise of her rights. Is she an NPA? No, of course not. Not yet,” ani Parlade.

Sinabi pa niya na kung hindi hihiwalay si Liza sa makakaliwang grupo ay matutulad siya kay Josephine Anne Lapira, ang estudyante sa University of the Philippines-Manila na kasama umano ng mga NPA nang mapatay sa sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at militar  noong Nobyembre 2017 sa lalawigan ng Batangas.

Pero ayon kay Lim, wala siyang nakikitang anumang bahid ng pagkatakot kay Liza.

“To be candid, I don’t sense any fear on Liza on this matter. Because for one, there is nothing to be afraid about. Our client has not committed any wrong. What she did was merely express her views. That’s it. There is nothing to be afraid about,” wika pa ng abogado.

Sinabi rin niya na ang pahayag ni Parlade ay sarili niyang opinyon lamang.

“That is the opinion of General Parlade but if you look at the statement of General Parlade, he also clears the name of our client, and I thank him for that because that is a fact. Liza is not a member of Gabriela Youth nor is she a member of cause-oriented or left-learning organizations. Liza remains apolitical,” ani Lim.

“As a lawyer, I am trained to view things as they are objectively speaking. The statement of Gen. Parlade is an advice, a reminder, unsolicited as it may sound. However, I don’t feel there is a need to be afraid or to fear the statement of the good general. Again, we have not committed any mistake. Liza has not committed any mistake by expressing her views,” dagdag pa niya.

Read more...