Kim Chiu dinalaw ng ‘tikbalang’ sa shooting; binalaan ng psychic
TOTOO nga kayang may isang tikbalang o aswang na dumalaw kay Kim Chiu habang nagsu-shooting para sa horror movie na “U-Turn”?
Ito ang tanong ng ilang netizens nang i-post ng Kapamilya actress ang isang litrato na kuha sa isang lumang bahay na pinagsyutingan nila para sa nasabing pelikula.
Mismong ang kapatid niyang si Lakambini o ate Lakam ang nagsabi sa kanya tungkol sa isang “elementong” nakita ng isang psychic sa photo na ipinost ni Kim.
Binalaan pa siya ng nasabing psychic na hangga’t maaari ay huwag na uling tatambay sa nasabing bahagi ng bahay.
Ayon kay Kim, “Nu’ng pinost ko, nag-message yung psychic ng ate Lakam na, ‘Nagsu-shoot pa ba diyan si Kimmy? Sabihin mo huwag na siya tumambay sa kuwartong yan.’
“Kasi may nakikita daw siya. Tapos, binilugan niya yung bintana. Kasi luma yung bahay eh. Luma siya na mga senior na yung mga nakatira, yung buong bahay luma.
“Mapapanood nila sa bahay. Doon ako nilagay na standby area. Sinabi nung psychic binilugan niya meron daw tikbalang. May mata, may ilong.
“So parang may weird feeling na talaga du’n sa kuwarto na yun lalo na sa kama kaya natutulog lang ako sa chair ko. Ayokong humiga dun sa kama.
“Pero iba palang likod yung may weird feeling, yung bintana pala. Kaya ayoko din humarap sa bintana. Hindi ko naman nakita kasi wala naman ako third eye.
“Sa mga friends natin na may third eye, nandun siya sa bintana. May face, may mata. Okay lang na hindi ko makita. Hindi ko naman hinihingi. And then nag-send pa ako ng ibang picture sa psychic na yun.
“May binilugan din siya so parang ayoko na makita. Lalo na du’n sa U-turn slot na pinag-shooting-an namin. Ang laki ng bilog niya na hindi tikbalang pero isang malaking elemento daw,” lahad pa ni Kimmy.
In fairness, nu’ng tinitigan nga namin ang bintanang may bilog ay medyo kinilabutan kami dahil nakita namin agad yung mga mata ng sinasabing “tikbalang” o aswang.
Samantala, inamin ng aktres na medyo nahirapan siyang mag-adjust nang mag-resume uli sila ng shooting para sa “U-Turn.”
“Na-shoot namin ito bago mag-pandemic last year. Tapos may mga natira kaming scenes, inabot kami ng MECQ.
“So may mga guidelines, nangalawang na rin yung character namin kaya medyo hahagilapin namin ulit si Donna Suarez (karakter niya). Medyo mahirap din yung paglipat pero nasanay na rin ako sa Love Thy Woman na direct set-up.
“So, lumipat lang. At least na-adjust ko. Hindi naman ako na-culture shock,” ani Kim na binansagang Millennial Horror Queen dahil sa mga hit movies niyang “The Healing” at “Ghost Bride”.
Sa nakaraang virtual mediacon ng “U-Turn” natanong namin si Kim kung ano ang most challenging na eksenang ginawa niya sa movie.
“Nu’ng hinarap sa akin ni direk yung mga multo. Yung wala nang takbuhan, yung galit na talaga kami. Basta abangan n’yo na lang yung eksena.
“Kasi parang sa lahat ng movies ko, hindi ko sila nape-face-to-face. Meron man pero sobrang layo. So, bawal ako gumalaw. Natatakot ako. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, parang pahika level na ako, parang kailangan ba natin gawin ito?
“Hindi ba puwedeng camera na lang yung kaharap ko? Pero ang galing kasi ng pagkakagawa. Parang iba siya. Marami akong first dito actually. First ko nakatrabaho sina direk (Derick Cabrido), si Tony (Labrusca), si JM (de Guzman).
Maraming first actually, and first din ito na magiging digital movie, sa parang first of everything,” aniya pa.
Mapapanood na ang “U-Turn” simula sa Oct. 30 via online. Available ang ticket sa KTX.ph, iWantTFC, Cignal, or Sky Cable.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.