Jasmine ibinuking ang discrimination sa health workers; taping ng ‘Prima Donnas’ bantay-sarado
HINDI lang daw tungkol sa pag-iibigan sa panahon ng pandemya ang bagong seryeng “I Can See You: Love On The Balcony” nina Alden Richards at Jasmine Curtis.
Kuwento ni Jasmine na gumaganap sa bagong Kapuso mini-series bilang nurse na si Lea Carbonel, nagbibigay-kaalaman din daw ito sa buhay at pagsubok na kinakaharap ng ating medical frontliners.
Makikilala niya ang karakter ni Alden na si Gio, isang wedding videographer, hanggang sa mauwi nga ito sa pag-iibigan.
“What makes Lea, my character, interesting I think for the audience is the insight sa pamumuhay ng frontliners ngayon.
“Kung paano nila tinatanggap ‘yung, I guess, pambabatikos dahil may discrimination din because they are exposed to the setting of the hospital,” chika ng dalaga.
Ang “Love On The Balcony” ang unang story mula sa apat na mini-series ng drama anthology na “I Can See You” kung saan kasama rin nina Alden at Jasmine sina Pancho Magno, Denise Barbacena at Shyr Valdez.
Mapapanood ang “Love On The Balcony” hanggang Oct. 2, pagkatapos ng “Encantadia” sa GMA Telebabad.
* * *
Nagsimula na rin ang lock-in taping ng cast members at production crew ng GMA Afternoon Prime drama series na “Prima Donnas.”
Makikita sa photos na ibinahagi ng beteranang aktres na si Chanda Romero, na gumaganap bilang si Lady Prima Claveria, ang masayang reunion ng cast sa unang araw ng kanilang taping.
Mapapansin din na maingat na sinusunod ng cast ang social distancing at pagsusuot ng face mask at face shield bilang proteksyon.
Sa video naman na ipinost ng isa sa mga Donnas na si Althea Ablan ay makikitang layu-layo ang cast habang wala pang kinukunan na eksena.
Maging ang direktor ng teleserye na si Gina Alajar ay nakasuot din ng tamang protective gear. Bago bumalik sa taping ay sumailalim din sa swab testing ang lahat ng bumubuo sa serye.
Habang kasalukuyang abala ang cast sa pagte-taping para sa fresh episodes ng “Prima Donnas”, mapapanood ang catch-up episodes nito sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng “Ika-6 Na Utos.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.