Mga negosyante hiniling na ilimita ang pagsusuot ng face shield sa frontliners
Iminungkahi ng tatlong malalaking grupo ng mga negosyante sa gubyerno na ilimita na lamang sa frontliners ang pagsusuot ng face shield at payagan ang pagbyahe ng mas maraming pampasaherong sasakyan sa bansa.
Sa joint letter nila kay Secretary Karlo Nograles, co-chair ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), sinabi ng mga business leaders na “isang malaking kritisismo sa gubyerno” ay ang hindi pagbibigay ng sapat na transportasyon sa publiko.
“The simplest solution we can think of is to bring back all the public and private vehicles, including Transportation Network Vehicle Service, prior to COVID,” wika nila.
Hiniling rin nilang payagan na ang mga manggagawang hindi kabilang sa fronliners na magtrabahong walang face shield dahil sa umano’y masamang epekto nito sa paningin, kaligtasan at produktibidad ng mga empleyado.
“This is particularly a serious concern for the construction and manufacturing industries such as electronics and automotives which work with minute parts and sensitive production lines,” wika nila.
“Please note that the situation in the workplace is not the same as on the streets, since office movements are controlled and guided by the safety and health protocols such as temperature checking, washing of hands and sanitizing footwear,” dagdag pa nila.
Sa isyu ng contact tracing, sinabi nilang dapat suspendihin muna ang Data Privacy Act, kabilang na ang confidentiality clause na nagbabawal na isapubliko ang mga pangalan ng taong maysakit.
“After all, in the interest of saving lives, the government has already taken away many constitutional rights to implement the strict quarantine protocols,” wika pa nila.
“If we can suspend the DPA in the context of this emergency, we may not have to use the full P5 billion budget allocated for contact tracers,” dagdag pa ng mga negosyante.
Samantala, kinuwestiyon din nila kung bakit ipinapasa ng pamahalaan sa pribadong sektor ang responsibilidad ng pag-isolate sa mga manggagawang posibleng nahawa ng COVID-19.
Ayon sa kanila, ang paglalaan ng mandatory isolation rooms sa bawat 200 employees ay magbibigay ng malaking problema sa mga employer dahil sa laki ng espasyong kakailanganin nito.
Ganundin, sinabi nilang wala silang technical expertise para patakbuhin ang ganitong pasilidad bukod pa sa panganib na makompromiso ang pangkalusugang seguridad ng iba pang manggagawa.
Ang mga grupong lumagda sa joint letter ay ang Philippine Silkroad International Chamber of Commerce, Employers Confederation of the Philippines, at Philippine Exporters Confederation, Inc. Kasama ring pumirma si George Barcelon, kasapi ng Legislative Executive Development Advisory Council.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.