Speaker Cayetano at Deputy Speaker Duterte nag-usap na
Nag-usap na sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker Paolo Duterte kaugnay sa isyu ng kudeta at term-sharing sa Speakership post.
Ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, masinsinan ang naging pag uusap nina Cayetano at ng batang Duterte kung saan nailatag na ang lahat ng concerns ng magkabilang panig at naayos na ang gusot.
Kasabay nito ay hinikayat ni Villafuerte ang mga kasamahang kongresista na isantabi na muna ang usaping pulitikal at pagtuunan na lamang ng pansin ang publiko at ang mahahalagang trabaho sa Kamara.
Umapela ang kongresista na hayaan munang maipasa ang pambansang pondo sa susunod na taon upang hindi maapektuhan ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng pandemya.
Nababahala ito na matulad ang sitwasyon noong 2018 matapos na maupong Speaker si dating Pampanga Rep. Gloria Arroyo kapalit ng dating Speaker Pantaleon Alvarez kung saan hindi agad naaprubahan pambansang pondo sa 2019 at napilitan ang Kongreso na gamitin ang reenacted budget sa unang bahagi ng taon.
Matatandaang nitong Linggo ay nagpadala si Paolo Duterte ng mensahe sa mga kongresista kaugnay sa umano’y bantang kudeta sa posisyon ng Speaker at Deputy Speakers dahil sa pagkaladkad sa kanyang pangalan sa isyu ng hindi pantay na alokasyon sa infrastructure projects sa mga distrito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.