Panukala para bigyan ng discount OFW remittances, lusot na sa komite sa Kamara
Pasado na House Committee on Ways and Means ang panukala upang bigyan ng diskwento ang bayad sa pagpapadala ng mga remittance ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang mga pamilya sa bansa.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales, may-akda ng House Bill 826, malaki ang nawawala sa budget ng mga pamilya ng mga OFW sa bansa dahil sa mataas na charges na ipinapataw ng mga financial at non-bank financial institution sa remittances.
Sa inilatag na amyenda ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, inaatasan ang financial at non-bank financial intermediaries na otomatikong bigyan ng 50-percent discount na service fee ang money remittances na ipinapadala ng mga OFW gaano man kalaki ang halagang ito.
Maaaring i-claim ng financial at non-bank institutions ang diskwentong ibinigay sa OFW remittances bilang kaltas sa buwis dahil ituturing itong mahalagang gastusin na ibabawas sa kanilang kabuuang kita sa isang taon.
Hindi naman dapat lalagpas sa P24,000 kada OFW ang ibabawas sa gross income ng mga establisyimentong nagbibigay ng discounts sa remittance fees sa bawat taxable year.
Ipinagbabawal din ang biglang pagtataas sa singil ng remittance charges sa lahat ng financial at non-bank intermediaries lalo na kung ito ay hindi dumaan sa konsultasyon ng Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.