‘Mobile Legends’ naging gamot ni Alden para labanan ang anxiety attack
ISA ang Mobile Legends sa naging “gamot” at “armas” ni Alden Richards para labanan ang kanyang anxiety attacks.
Bukod sa laging pagdarasal at pagiging positibo sa gitna ng kanegahan sa mundo, ang paglalaro ng ML ang ginamit ng Pambansang Bae para maiwasan ang matinding kalunglutan at pagkabalisa.
Last Sunday, naging special guest ang Asia’s Multimedia Star sa Kapuso Mo, Jessica Soho kung saan game na game na sinubukan ni Jessica ang current trends sa bansa.
Ang kinababaliwang laro ng karamihan na Mobile Legends ang sinubukan ng KMJS host at ang nagturo sa kanya — walang iba kundi si Alden.
Bago sila magsimula, nagbiro pa ang Kapuso actor na, “Baka kapag tinuruan ko kayo, hindi na kayo mag-anchor!”
Aminado ang award-winning news personality na wala talaga siyang alam sa ML at ang huli pa raw niyang nilaro ay Pacman at Tetris.
Pero kahit “newbie”, nanalo pa rin ang team ni Jessica sa practice game ni Alden.
Dahil na rin sa COVID-19 pandemic, inamin nga ni Alden na nagkaroon siya ng anxiety, lalo na’t ang kapatid niya ay isang frontliner sa ibang bansa.
Bukod sa pagdarasal palagi, nakatulong daw ang paglalaro niya ng Mobile Legends upang labanan ang anxiety.
May payo naman ang TV host-actor sa mga tulad niyang gamer lalo na sa mga kabataan, “Lahat ng sobra nakakasama. Pag masyado tayong kinain ng paglalaro’t pagiging gamer, nakakalimutan na rin natin mabuhay.”
Kaya aniya, dapat daw ay unahin muna ang pag-aaral bago ang paglalaro.
* * *
Isa na namang brand new episode ang mapapanood sa drama anthology na “Magpakailanman” ngayong Sabado.
Mapapanood sa “My Gay Husband” episode ang Kapuso actor na si EA Guzman bilang si VJ, isang out and proud na gay man na magiging isang asawa at ama.
Labag sa kalooban ng kanyang ama ang pagiging bakla ni VJ, habang supportive naman dito ang kanyang ina.
Sa kasamaang palad, mamamatay dahil sa sakit ang kanyang ina. Makikilala naman ni VJ si Rizza (Ana de Leon) sa pamamagitan ng kanyang mga kaibigan. Magkakagusto si Rizza kay VJ kahit isa siyang beki.
Anu-ano kaya ang mga pagsubok na haharapin ni VJ bilang isang magulang at asawa? Abangan yan sa #MPK ngayong Sabado, 8 p.m. sa GMA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.