Team ‘DOTS PH’ ipapa-swab test na bukas; trophy mula sa South Korea drama awards natanggap na
SASAILALIM na sa swab testing ang lahat ng production staff, artists at suppliers ng Kapuso primetime series na “Descendants Of The Sun”.
Pagkatapos nito, ika-quarantine na ang lahat ng taong involved sa taping, kabilang na ang mga artistang kasama bago ang official pull-out sa Aug. 31.
At kapag nag-negative ang resulta ng mga tinest, diretso na sila sa taping. Tatagal daw ang lock-in period ng dalawang linggo kung saan na rin ang ilang highlights ng serye.
Talagang siniguro ng management na sinunod nila ang lahat ng health protocols bago muling sumalang sa trabaho para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Sa panayam ng GMA, ibinahagi ni Dingdong na pinaghahandaang mabuti ng kanilang team ang magiging proseso sa pagbabalik-taping para maging ligtas ang pagtatrabaho nilang lahat bilang pagsunod sa health protocols.
Aniya, “Kailangan ‘yung preparedness namin kung dati level 100 percent, dapat 1,000 siguro ngayon kasi we’re not after time but also our safety and the safety of others as well.”
Maging si Rocco ay excited na ring magtrabaho uli, “Ganado kaming magtrabaho ulit. Ramdam namin ‘yung excitement at saya kasi nga naramdaman namin na may balik ‘yung pinaghirapan namin.”
Samantala, natanggap na ng GMA, ang bonggang-bonggang trophy para sa “Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation)” na nagwaging Most Popular Foreign Drama of the Year sa 15th Seoul International Drama Awards.
Mismong ang SIDA mula sa South Korea ang nagpadala ng tropeo sa DOTS na pinagbibidahan ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes at ng Ultimate Star na si Jennylyn Mercado.
Ang awarding ceremony para sa 15th Seoul International Drama Awards ay magaganap sa Sept. 10 sa M.B.C. Media Center Public Hall. Siyempre, walang live audience ang event dahil sa ipinatutupad na health and safety protocols sa South Korea dulot ng COVID-19 pandemic.
Kung matatandaan, una nang binigyan ng parangal ng SIDA ang mga Kapuso stars na sina Alden Richards, Dennis Trillo at Gabby Concepcion sa pamamagita ng Asian Star prize award.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.