AKTOR: Ilang beses man kaming gumanap na doktor at nurse, hindi namin matutumbasan ang kontribusyon n’yo sa bayan!
NAGSAMA-SAMA ang mga sikat at maimpluwensyang celebrities para iparamdam ang kanilang malasakit at pasasalamat sa mga bayaning frontliners.
Isang madamdaming black and white video ang inilabas ng grupong AKTOR (ang bagong-tatag na organization ng mga Filipino actors) upang saluduhan ang mga health workers at bigyan ng tribute sa patuloy nilang paglaban sa COVID-19.
Ito’y matapos ngang ibalik sa mas mahigpit na lockdown ang ilang bahagi ng bansa bilang tugon sa panawagan at hinaing ng medical community dulot ng patuloy na pagtaas ng COVID cases sa Pilipinas.
Ilan sa mga naglaan ng panahon para mabuo ang tribute video ay sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Angel Locsin, Anne Curtis, Piolo Pascual, Jodi Sta. Maria, Angelica Panganiban at ang COVID survivor na si Iza Calzado.
“Ilang beses man kaming gumanap na doktor at nurse, hindi namin matutumbasan ang laki ng kontribusyon ninyo sa bayan, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Kami sa AKTOR ay nagpapadala ng liham pag-ibig para sa lahat ng ating health workers sa frontlines — ang aming mga bayani.
“Alam naming hindi sapat ang mga salita, pero ito na muna sa ngayon. Titindig kami para sa ‘yo. Maraming salamat sa lahat,” ang ilang bahagi ng mensahe ng AKTOR.
Sa huling bahagi ng video, mangiyak-ngiyak na sinabi ni Iza ang mga katagang, “Abot-langit ang pasasalamat namin sa ‘yo.”
Naniniwala ang AKTOR na higit kailanman, ngayon kailangan ng mga medical frontliners ang suporta at pag-intindi ng sambayaban sa kanilang hirap at sakripisyo para iligtas ang lahat ng COVID patients sa kamatayan.
Umaasa ang mga miyembro ng grupo na hindi masasayang ang pagbubuwis nila ng buhay sa pakikipaglaban sa killer virus, at malaki ang maitutulong sa kanila ng simpleng pagsunod ng bawat mamamayan sa mga health protocols.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.