Panukala para isulong ang karapatan ng mga ‘foundlings’ aprubado na sa komite sa Kamara
Pasado na sa House Committee on the Welfare of Children anng panukala na nagsusulong sa Karapatan ng mga foundling o mga inabandonang bata o ang House Bill 3472 o Foundling Welfare Act.
Sabi ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong, may-akda ng panukala, layunin nito na maisulong ang interes at karapatan ng mga inabandonang bata at kilalanin bilang ‘natural born’ Filipino citizen.
“Simple lang po why we filed this bill and it has always been our marching slogan- the best interest of the child. On top of physical, emotional and psychological disadvantages, there are a lot of legal disadvantages too for a foundling or someone abandoned with unknown facts of birth and parentage”, saad ni Ong.
Pinuna ni Ong, ang kasalukuyang batas na kung saan kinakailangang magpakita ng patunay ang isang ‘foundling’ ng blood relation nito sa isang Filipinong magulang bago maikonsidera at kilalaning natural-born citizen ng bansa.
Bukod aniya sa pahirap ay imposible din para sa isang ‘foundling’ na tugunan ang mga hinihinging requirements para patunayan ang kanilang pagiging Filipino at napagkakaitan ang mga ito na makapag-aral, makapagtrabaho, maikasal at makatanggap ng iba pang benepisyong tinatamasa sa bansa.
Sabi ni Ong, “For one, they are required to prove the impossible – proving their citizenship despite the unknown facts na hindi nila kasalanan. Worse, for the simple reason na wala silang Certificate of Live Birth, we have closed the door for them to enjoy their rights as Filipinos – hindi makapasok sa school, hindi makakuha ng trabaho, hindi pwede ikasal, hindi magkaroon ng driver’s license, government scholarship, passport, etc.”
Sa oras na maging ganap na batas, agad na kikilalanin na natural-born citizen ng bansa ang mga foundling na matatagpuan sa mga ampunan at iba pang charitable o government institutions kahit ang mga batang sumasailalim pa sa proseso ng pag-aampon.
Sa ilalim ng panukala, mahaharap sa parusang pagkakabilanggo ng hanggang anim na taon o multang P200,000 hanggang P1 milyon ang sinumang indibidwal na magdi-discriminate o magkakait sa kanilang mga karapatan tulad sa edukasyon, trabaho, mga serbisyo at iba pa.
Nangako naman ang chairman ng komite na si Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez na mamadaliin sa Kamara ang tuluyang pag-apruba sa panukala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.