Kiko Pangilinan sa biglang paglobo ng bilang ng nakarekober sa COVID-19: ‘May himala ba?’
“May himala ba? May madyik?” eto ang nagtatakang tanong ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan matapos na biglang lomobo ang bilang ng mga pasyenteng gumaling sa sakit na coronavirus.
“Ang mga doktor, dapat nagpapagaling sa pasyente, hindi nangdudoktor ng numero at impormasyon,” pahayag ni Pangilinan noong Biyernes.
Iniulat ng Department of Health noong Huwebes na umabot sa 38,075 ang mga pasyenteng nakarekober sa loob lamang ng isang araw. Dahil dito, 65,064 na kabuuang bilang ng gumaling sa COVID-19.
Nilinaw ng DOH na ang numerong ito ay resulta ng maramihang pag-adjust sa bilang ng mga nakarekober sa sakit na coronavirus, kung saan ang mga kasong di malala at asymptomatic o walang simtomas ay ibinilang na sa kaso ng mga nakarekober.
Hindi sang-ayon dito si Pangilinan.
Nagbabala sya na mapanganib ang bagong pamamaraan ng DOH sa pag-interpreta ng datos dahil nagbibigay ito sa mga pasyente ng “false sense of security” na magaling na sila bagama’t hindi dumaan sa anumang pagtesting.
“Makakapanghawa at mas maraming magkakasakit pag ang maysakit ay tinawag na ‘recovered’ kung hindi naman ito na-test,” anang senador.
“Patayin ba ang taumbayan ang gustong mangyari ng gobyerno?” wika niya, habang muling iginiit ang pangangailangan sa malawakang testing at paggamot sa mga pasyente.
“Tama si Vice President Leni, ang unang hakbang para masolusyunan ang COVID-19 ay tama at kumpletong impormasyon sa lalong madaling panahon. We need accurate and complete data as soon as possible,” anang senador na myembro ng oposisyon.
Noong Miyerkules, idiniin ni Robredo na sa panahon ng krisis sa kalusugan na nararanasan ngayon ng bansa, mahalaga ang tumpak at kumpletong datos para magsilbing gabay sa mga gumagawa ng polisiya sa bansa.
“Maliban na lamang kung mayrong itinatago, responsibilidad natin sa mga Pilipino na maging transparent at hayaang ang datos ng COVID-19 ang magsalita para sa kanyang sairili, at mula doon ay maiplano ang mga hakbangin na dapat gawin para labanan ang pandemya,” sabi pa ni Pangilinan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.