Multa sa late registration ng mga sasakyan, dapat alisin ng LTO
Hinikayat ni Quezon City Rep. Precious Castelo ang Land Transportation Office (LTO) na huwag nang pagbayarin ng multa ang mga late na magpaparehistro ng kanilang mga sasakyan.
Ayon kay Castelo, libu-libong may-ari ng sasakyan ang hindi nakapagparehistro sa oras dahil sa umiiral na quarantine.
Kahit pa lumuwag na ang travel restrictions noong nakaraang buwan, naging malaking hamon naman ang registration dahil sa pagdagsa ng mga aplikasyon gayong maraming LTO offices ang hindi pa nagbubukas ng kanilang operasyon.
Maliban dito, may ilang tanggapan ng LTO ang isinailalim sa lockdown para sa disinfection matapos na may mga tauhang magpositibo sa COVID-19.
Binigyang diin ng kongresista na hindi sapat ang ibinigay ng LTO na dalawang buwan na palugit bago sila magpataw ng multa kung ikukunsidera ang volume ng aplikasyon na kanilang natatanggap kada araw.
Nanawagan si Castelo sa LTO na hintayin muna na bumalik sa dating kondisyon ang lahat bago sila magpataw ng penalty.
Batay sa tala ng LTO, aabot sa 11 milyon ang mga sasakyan sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.