‘COVID hugot’ ni Bitoy: Parang naging meaningless lahat, the only thing I needed was my family
LAHAT ng pwedeng kainin at inumin para mas mapabilis ang kanyang paggaling at paglaban sa COVID-19 ay tina-try ni Michael V.
Kinumpirma ng Kapuso comedian na nagpositibo siya sa COVID-19 sa pamamagitan ng kanyang vlog sa YouTube titled, “Bitoy Story 29: POSITIVE.”
Ayon kay Bitoy, unti-unti nang bumubuti ang kanyang kundisyon makalipas ang mahigit isang linggong pagse-self quarantine sa bahay nila.
Nagpasalamat naman ang komedyante sa lahat ng mga nagpaabot ng suporta sa kanya lalo na sa mga nagdasal para sa kanyang paggaling.
“Actually, mahirap talaga. Malungkot talaga and hindi n’yo alam kung anong pagpapasaya ‘yung naidulot n’yo sa buhay ko. Tsaka ‘yung mga dasal n’yo, I think it’s very effective,” ani Bitoy sa panayam ng GMA.
“Nakakulong” pa rin siya sa kanyang kuwarto at patuloy ang paglaban sa killer virus COVID-19.
Aniya, “Hot lemon and ginger, ‘yun ‘yung iniinom ko. Basta kahit anong advice nga nu’ng mga kakilala naming, tina-try na namin. Wala namang mawawala.
“Madalas din akong naglalakad kasi mahirap din daw ‘yung kapag lagi kang nakahiga at palagi kang nakaupo.
“Basta be active pero hindi sobra to the point na papagurin mo ‘yung sarili mo,” pahayag pa ni Bitoy.
“Mabilis pa rin akong mapagod although hindi naman ako nahihirapang huminga.
“‘Yung pagod ang medyo mabilis. I am getting better. Hindi pa rin 100 percent pero we’re getting there,” kuwento pa niya.
Tungkol naman sa fake news na kumalat na namatay na siya, “Maraming salamat dito sa interview na ‘to, at least, makukumpirma na nila.
“Actually, ang nakakainis pa nu’n, mine-message ako directly, tinatanong ako. Hindi ko malaman kung sasagutin ko ng ghost emoji o ano, e,” birong sagot ni Bitoy.
Sa huli, sinabi ni Michael V na isa sa mga na-realize niya matapos magka-COVID, “Lahat naman ng kailangan ko, lahat naman ng gusto ko nandito. Parang naging meaningless lahat. The only thing I needed was my family.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.