Dimples, Beauty sanib-pwersa sa pagtatanggol sa ABS-CBN: Stay strong, be proud!
MAGKAIBA man sila ng paraan sa pagpapakita ng pagsuporta at pagmamahal sa ABS-CBN, iisa lang ang ipinaglalaban ng magkaibigang Beauty Gonzalez at Dimples Romana.
Nakilala nang bonggang-bongga ang dalawang Kapamilya actress bilang mortal na magkaaway na sina Romina at Daniela sa hit series ng ABS-CBN na “Kadenang Ginto.”
Muling nagsanib-pwersa ang dalawa sa pagsuporta at pagtatanggol sa kanilang mother network matapos itong maipasara ng Kongreso na nagresulta sa malawakang tanggalan ng empleyado sa istasyon.
Bukod sa pagpo-post ng kanyang saloobin sa tuluyang pagsasara ng Dos, naki-join din si Beauty sa protest rally at noise barrage na isinagawa sa ABS-CBN compound sa Quezon City.
Talagang ipinagsigawan ng aktres ang kanyang sama ng loob at galit sa mga taong nasa likod ng pagpapasara sa kanilang network, pati na rin sa lahat ng natutuwa sa libu-libong manggagawang mawawalan ng trabaho.
Bago ito, nag-post din sa Instagram si Beauty ng mensahe para sa mga natanggal sa kanilang work.
“Let us all hold our heads up high and remember that for at least that one shining moment in our time, we were all part of something that was good and true, imperfect, yet in the service of the Pilipino. Stay strong, be proud,” aniya.
Samantala, nakiisa naman si Dimples sa symbolic candle-lighting ng mga Kapamilya stars bilang pakikiramay sa “pagpatay” sa ABS-CBN.
“Humabol sa dasal ngayon para masamahan ang aking mga mahal na Kapamilya,” caption ni Dimples sa kanyang IG post kung saan makikita ang pagtitirik niya ng kandila.
Kasabay nito, pinuri muli ni Dimples ang kanyang BFF na si Angel Locsin sa patuloy nitong pagsuporta at walang takot na paglaban sa mga taong nasa likod ng ABS-CBN shutdown.
Aniya, ibang klase talaga ang pagmamahal at pagmamalasakit ni Angel sa kanilang network lalo na sa mga naapektuhan ng malawakang retrenchment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.