Sarah: Mahal ko ang ABS-CBN…patuloy kaming sumasamo na mabigyan uli ng isa pang pagkakataon
SA wakas, naglabas na si Sarah Geronimo ng saloobin tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN sa gitna ng kontrobersyal na patutsada ni Angel Locsin sa mga kapwa Kapamilya.
Nag-trending sa social media ang pangalan ni Sarah at ang hashtag #ProtectSarahGAtAllCost matapos pangalanan ang singer-actress ng ilang netizens at ikonek sa sinabi ni Angel sa mga kapwa niya Kapamilya stars na hindi nagsasalita at nananatiling tahimik sa ABS-CBN shutdown.
Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Sarah ang isang mahabang mensahe kung saan ibinandera niya ang pagmamahal at pagsuporta sa ABS-CBN.
“Malaking bahagi po ng aking karera ang ABS-CBN. Maliban po sa pamilya ko at sa aking manager na si Boss Vic, ang ABS-CBN po ay ang network na ilang beses na sumugal at sumuporta sa akin bilang artista at performer,” simulang pahayag ng asawa ni Matteo Guidicelli.
Patuloy pa niya, “Niyakap nila ako at inalagaan nang husto na parang kanilang sariling ‘anak’ o homegrown talent. Malaki po ang utang na loob ko sa network na ito at habangbuhay ko po ipagpapasalamat ang bawat oportunidad, tiwala na ibinigay nila sa akin.”
Inamin ni Sarah na hindi siya aware sa lahat ng detalye tungkol sa franchise application ng ABS-CBN ngunit saludo siya sa lahat ng executives ng network na humarap sa hearing ng Kongreso.
“Bagama’t napakasakit po na matanggihan, patuloy pa rin kaming sumasamo, nakikiusap at umaapila, nagdadasal para sa aming hangarin na mabigyan muli ang aming minamahal na ABS-CBN family ng isa pang pagkakataon.
“Pagkakataon na makabawi kung meron mang naging pagkukulang, pagkakataon na malawakang makapaglingkod, makapagbigay serbisyo sa mamamayang Pilipino.
“Mahal ko po ang aking ABS-CBN family. Mahalaga po sa akin ang bawat empleyado na labis na nagdadalamhati ngayon dahil sa kawalan ng trabaho.
“Nakikiisa po ako sa kanilang apila na muling makabalik sa trabaho upang patuloy na makapagbigay ng serbisyo para sa kani-kanilang mga pamilya at para sa bansa,” pahayag pa ng Popstar Royalty.
Pakiusap pa niya, “Nawa’y magkaisa po tayo, maghawak kamay, at magtulungan para malabanan ang malubhang krisis o pandemya na hinaharap ngayon ng ating bansa pati na rin ng buong mundo.
“Naniniwala po ako na walang di natin kayang malagpasan basta’t tayo’y nagkakaisa sa panalangin at pagsisikat, sama-samang nagpapakita ng tunay na malasakit at pagmamahal para sa ating bansa, para sa ating kapwa.
“Ako po si Sarah Geronimo, di lamang artista, isa ring mamamayang Pilipino na umaapila para sa mga labis na apektado ng COVID19.
“Magtulungan po tayo, wag po tayo magwatak-watak. Ituon po natin ang ating pansin at pokus sa ating mga kababayan na sugatan at pasigaw nang humihingi ng saklolo dahil sa pagod, sakit, at pagdadalamhati.
“MAGKAISA PO TAYO PARA SA ATING MAHAL NA BANSANG PILIPINAS. MAGKAISA PO TAYO PARA SA ATING KAPWA,” pagtatapos ni Sarah G.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.