TATLO katao ang nasawi sa magkahiwalay na aksidenteng kinasangkutan ng mga trak, sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Quezon kagabi at kaninang umaga.
Sa pinakahuling insidente, nasawi sina Ernie Par at Niceto Nocus, nang araruhin ng trak ang tatlong tricycle sa bahagi ng highway na nasa Brgy. Peñafrancia, bayan ng Gumaca, alas-10 ng umaga, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Minamaneho ni Jevsle Reyes, 28, ang isang Celestial truck (AWA-4170) patungo sa direksyon ng Bicol, nang masalpok ang mga tricycle nina Par, Nocus, at Vincent Labso.
Dahil sa impact, tumilapon sina Par at Nocus at nagulungan pa ng trak, kaya agad nasawi, ayon sa ulat.
Hindi naman nasugatan si Labso, pero nagtamo ng bahagyang pinsala ang sakay niyang si Marilou Canoy at ang sakay ni Par na si Agnes Magdaluyo, na kapwa dinala sa ospital.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nawalan ng preno ang trak kaya nasalpok ang mga tricycle.
Una dito, dakong alas-9 ng gabi, nasawi naman si Marlon Revilla nang sumalpok ang pagmamay-ari niyang trak sa bahagi ng bundok na gilid ng highway sa Brgy. Santa Catalina, bayan ng Atimonan.
Minamaneho ni Nestor Bonilla Jr. ang Isuzu Giga wing van (NAW-4644) sa pababang bahagi ng diversion road, nang bigla rin umano itong mawalan ng preno.
Dahil dito’y nagpasya ang driver na kabigin pakanan ang trak, pero sumalpok ito sa bundok at nayupi ang gilid, kung saan nakaupo at naipit si Revilla, ayon sa pulisya.
Tumapon din palabas at nasira ang sari-saring canned goods na karga ng trak.
Nagtamo naman ng pinsala si Bonilla, na dinala sa ospital para malunasan habang hinahandaan ng kaukulang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.