MAGPAPAKALAT ang PNP Special Action Force ng dalawang kompanya, o aabot sa 150 pulis, sa Cebu City para tumulong sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine doon.
Inaprubahan na ni National Police chief Gen. Archie Gamboa ang pagdeploy sa mga police commando sa lungsod, sa gitna ng dumarami pang kaso ng COVID-19 doon, ani Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, commander ng Joint Task Force COVID Shield.
“Mobility assets of SAF will also be deployed in Cebu City, including multi-purpose armored vehicles similar to what we used in the implementation of ECQ in Metro Manila,” aniya.
Ayon kay Eleazar, layon ng pagdedeploy sa SAF na mapilit ang mga residente na huwag lumabas ng bahay kung di kailangan, at sumunod sa quarantine protocols gaya ng pagsusuot ng face mask kung lalabas.
Aniya, bumisita sa Cebu City ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at National Task Force Against COVID-19 kamakailan at napansin na patuloy pa ring naglalabasan ng bahay, di nagsusuot ng facemask, at di sumusunod sa physical distancing ang maraming residente.
Una nang nagpakalat ng mga sundalo ang Armed Forces Central Command sa Cebu City at mga kalapit na lugar para ipatupad ang ECQ.
“CentCom is also using their air assets over Cebu City to check on observance of physical distancing,” ani Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.