Bahay na nahulog sa ilog, walang building permit
WALA umanong building permit ang pagtatayo ng tatlong palaoag na gusali na nahulog sa sapa sa Brgy. Del Monte, Quezon City noong Biyernes.
Ayon sa Quezon City government sa paunang imbestigasyon ay lumalabas na walang permit na kinuha sa Department of Building Official (DBO) ang pagtatayo ng gusali.
Inirekomenda ng DBO ang pagsasampa ng kaso sa may-ari dahil sa paglabag sa Section 301 ng National Building Code.
Dapat din umano ay walang nakatayong imprastraktura limang metro mula sa sapa.
Makikipag-ugnayan ang city government sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang makapagtayo ng retaining wall upang maiwasan ang pagguho ng lupa.
Sinabi ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD) na kailangang i-relocate ang may 105 pamilya na nagtayo ng bahay sa lugar, 20 sa mga ito ang nagtirik ng bahay katabi ng gumuhong gusali.
Tinitignan ng HCDRD kung mayroong agad na mapaglilipatan sa mga residente habang nakikipag-ugnayan ito sa National Housing Authority (NHA) na siyang nangangasiwa sa relocation ng mga pamilyang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.