NANANAWAGAN si Sen. Bong Go sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensya na magtulungan para mabigyan ng pagkakakitaan ang mga nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19 pandemic.
“Umaapela tayo sa DOLE, DTI at iba pang mga ahensya na gumawa ng mga paraan kung paano matutulungan ang milyin-milyong Pilipinong mawawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito,” ani Go. “Ngayon pa lang ay marami nang business ang nagsara at dahil dito, marami na ring Pilipino ang nawalan ng trabaho.”
Giit niya, ang paglobo ng bilang ng walang trabaho ay makaaapekto sa ekonomiya kung hindi maagapan ng pamahalaan.
Kamakailan ay iniulat ng DOLE na aabot na sa 2.6 milyong Pinoy ang nawalan ng trabaho dahil sa virus.
Idinagdag ng senador na malaki rin ang maitutulong ng kanyang programa na Balik Probinsya, Balik Pag-asa (BP2) para sa mga apektado ng krisis.
“Marami pong mga kababayan natin na nagtatrabaho dito sa Kamaynilaan ang gusto nang umuwi dahil sa krisis na dulot ng Covid-19,” aniya. “Ito ang rason kung bakit ko ibinahagi ang inisyatibong Balik Probinsya para mabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan. Wala pong pilitan ito. Ang mga gusto pong bumalik na sa probinsya, tutulungan po kayo ng gobyerno na magsimula muli sa paraan na ligtas at makakabuti sa inyo at sa komunidad na inyong babalikan.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.