Paano ang transportasyon sa GCQ? Saan ninyo pasasakayin ang mga manggagawa?
Sa Lunes, June 1, 2020, nasa general community quarantine na tayo mula sa moderate enhanced community quarantine.
Ano ang mangyayari sa mga lansangan ng mga siyudad natin?
Base sa advisory ng IATF at MMDA, maaari nang bumiyahe ang ilang mga sasakyan nang walang hadlang.
Ang Metro Manila ay magkakaroon na ng number coding with special exemptions pero wala pa rin papayagang public transportation.
Hindi ko ito maintindihan dahil wala naman talagang kapabilidad ang working masses natin na pumunta sa kanilang trabaho maliban sa bus at PUV.
Sa hinaba-haba ng panahon na nasa ilalim tayo ng quarantine, hindi ko makita kung bakit walang nagawang plano ang LTFRB at DOTr para sa maisaayos ang public transport after quarantine.
Sa dinami-dami ng mga press release nila araw-araw, mga transport ayuda sa mga frontliners, pagbibilang ng natulungang medical workers at OFW’s at kung ano-ano pa, ni minsan ay hindi ko nadinig sa kanila kung papaano nila patatakbuhin ang public transport pag natapos ang quarantine period.
Nadinig ko na nais nilang ayusin ang route franchises ng mga bus at PUV. Nadinig ko rin na nais nilang ayusin ang pagsakay sa mga public transport para sa social distancing.
Pero yung importante, ano ang sasakyan ng mga manggagawa sa Metro Manila pag inalis na ang MECQ at nailipat na tayo sa GCQ, hindi ko nadinig.
Sa katunayan, sa mga interview at pahayag ng pamahalaan, ang kanilang lusot ay ayaw nila ang bus at PUV dahil hindi daw makontrol ang social distancing sa mga ito.
Eh para saan pa yung nilabas nilang seating arrangement sa mga public transports kung hindi naman pala ito uubra? Eh di sana hindi na sila naglabas ng sistema kung hindi rin pala ito magagamit.
Nagmamadali silang buksan ang ekonomiya. At sang ayon ako dyan. Pero nakalimutan nila na para bumukas ang ekonomiya ay kailangan nila ng mga trabahador.
Hindi naman tatayo sa mga tindahan at opisina sina Jaime Zobel de Ayala, Manny Pangilinan, Joey Concepcion, Hans Sy at Lance Gokongwei. Mga trabahador pa rin yun.
Anong iniisip ng DOTr ay LTFRB, kaya ng mga ordinaryong mamamayan bumili ng tig-iisang kotse para may magamit sila papunta sa kanilang mga trabaho?
Minsan, hindi komplikado ang problema kung maagang pinag-iisipan at aaksiyunan. Minsan mas nakatutok tayo sa papogi na nakakalimutan na natin yung totoong trabaho.
Meron akong suggestion. Maglagay po kayo sa mga main locations ng P2P buses na diretso sa mga CBD’s. Tutal tatlong lugar lang naman ang pupuntahan ng karamihan sa mga Metro Manila workers, ito ay sa Makati, Taguig at Ortigas.
Yung ibang lugar daanin ninyo sa MRT at LRT. At yung walang bus at train lagyan ninyo ng modern PUV’s.
Hindi sa inaaway namin kayo o hinahanapan namin kayo ng butas. Pero por diyos por santo, tatlong buwan na libre ang mga lansangan, ang habang panahon para pag-aralan at gawan ng solusyon ang problemang ito. Alam naman na ninyo ang magiging resulta dahil nakita na natin ito sa MECQ.
Pero ang announcement ninyo, wala pa ring public transportation sa GCQ. Pero gusto ninyo magtrabaho ang mga tao para mabuksan ang ekonomiya. Pero wala silang paraan para magtrabaho dahil hindi ninyo inayos.
Ano hinihintay natin? Milagro?
***
Para sa komento at suhestiyon sumulat lang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.