IMBES na magdasal sa labas ng Quiapo Church, pinayuhan ng pamunuan ng simbahan ang mga deboto na sa bahay na lang Muna magdasal upang makaiwas sa Covid-19.
Ayon kay Minor Basilica of the Black Nazarene parochial vicar Fr. Douglas Badong, kahit nakakandado ang simbahan ay dinudumog pa rin ito ng mga deboto na nagdarasal at hinahawakan ang gate.
Aniya, maaari namang magdasal doon ang mga deboto pero pinayuhan niyang huwag magdikit-dikit upang hindi paalisin ng mga pulis.
Kung pupunta man, dagdag ni Badong, dapat ay sandali lang at “sumulyap lang.”
Pwede rin aniya na manatili na lang sa bahay ang mga deboto at makinig at manood ng misa online.
Kaugnay nito, nais ding malaman ni Badoy kung paano ang gagawing pagpapasok sa mga tao tuwing may misa.
Batay sa panuntunan na inilabas ng Inter-Agency Tasks Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID)
sa lugar na umiiral ang general community quarantine (GCQ), papayagan ang pagsasagawa ng mga gawaing simbahan pero limitado sa lima hanggang 10 katao lamang ang maaaring pumasok sa simbahan.
Gayunman, sinabi ni Badong na naghahanda na rin ang simbahan sa tuluyang pagbubukas nito alinsunod sa social distancing protocols.
Sa Lunes ay nakatakda nang isailalim ang Metro Manila sa GCQ.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.