PATAY ang isang miyembro ng lokal na grupong may kaugnayan sa ISIS nang makipagbarilan sa mga pulis sa Lambayong, Sultan Kudarat.
Napatay si Al Rashed Sungan Layao, miyembro ng pro-ISIS faction ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na pinamumunuan ni Esmael Abdulmalik alyas “Abu Toraife,” sabi ni Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Sa ilalim ng grupo ay nagsilbi si Layao bilang IED courier, liason, at taga-monitor ng galaw ng mga tropa ng pamahalaan, lalo na noong panahon ng Roxas night market bombing sa Davao City noong Setyembre 2016 at pambobomba sa Isulan noong Abril 2019, ani Capellan.
Nagsilbi rin si Layao bilang close-in security ng Singaporean terrorist na si “Muawiya” sa Maguindanao, aniya.
Isinagawa ng Regional Drug Enforcement Unit, iba pang unit ng pulisya, at mga intelligence operative ang operasyon alas-3:20 ng hapon kahapon, sa Crossing Sigbol, Brgy. New Cebu.
Nakutuban umano ni Layao na pulis ang bumili sa kanya ng shabu kaya bumunot at nagpaputok, dahilan para gumanti ang mga operatiba.
Dinala pa si Layao sa ospital pero di na umabot nang buhay.
Nakuhaan si Layao ng 10 sachet ng hinihinalang shabu, P500 marked money, kalibre-.45 pistola na may lima pang bala, at granada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.