Rocco problemado sa negosyo: Paano na kami? Kailangan na ba naming magsara?
NAKARARANAS na rin ng stress at anxiety attacks ang Kapuso actor na si Rocco Nacino habang tumatagal ang lockdown sa bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Isa sa mga pangamba ng “Descendants of the Sun” star ay ang kanyang mga negosyo na direkta ring apektado ng health crisis.
“Nakikita ng mga tao, ‘Uy ang swerte naman ni Rocco, okay siya.’ ‘Wow, wala siyang problema, may naipon naman siya.’
“Pero hindi, e. Behind those smiles, sometimes ‘di mo rin alam ‘yung pinagdadaanan ng mga tao,” pahayag ni Rocco sa panayam ng 24 Oras.
“Hindi kami naiiba sa mga tao ngayon. Kaya ako nagkakaroon ng anxiety, kasi ang mga business ko ay mga boxing gyms.
“Isa ‘yon sa mga gyms na kailangan manatiling sarado muna kasi direct contact ‘yan, e.
“Nakaka-stress isipin na paano na, paano na ang new normal? Paano kami mag-o-operate? Kailangan na ba namin magsara? Mawawalan ng trabaho mga trainers namin,” lahad ng aktor.
Ayon pa sa binata, natigil din ang construction ng kanyang dream house na malapit na malapit na sanang matapos, “Alam ko sa mga past interviews natin, lagi ko sinasabi kung gaano ako ka-excited na lumipat na. Puwedeng-puwede na talaga lumipat but sobrang higpit ngayon sa village namin.
“Parang makapag-finishing ay sakit din sa ulo kasi gusto mo i-maintain ‘yung safety ng lahat ng tao, at ayaw mong makapagsimula ng scare sa magiging bagong tahanan ko,” pahayag pa ni Rocco.
Ngunit naniniwala ang aktor na matatapos din ang pandemya at babalik din sa normal ang lahat kaya payo niya sa lahat, kapit lang at huwag na huwag isusuko ang laban.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagtulong ng binata sa mga nangangailangan bilang isang Navy reservist. Nakikiisa siya sa mga relief at health mission ng Philippine Navy sa gitna ng pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.