KathNiel enjoy sa instant Japanese dinner date; Daniel, Moira nominado sa MYX Awards 2020
MAKALIPAS ang mahigit dalawang buwan, muling nagkita at nagkasama nang personal sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla kahapon.
Tiis-tiis din pag may time ang magdyowa habang ipinatutupad pa rin ang modified enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Pero kagabi nga, muling nakasama ni Kathryn si DJ para sa isang simpleng dinner date sa kanilang bahay.
Sinorpresa ng Kapamilya actor ang kanyang girlfriend at talagang nag-effort ito para sa muli nilang pagkikita matapos magtiis ng maha-habang panahon nang naka-lockdown sa kani-kanilang tahanan.
Nag-prepare pa si DJ ng katsudon meal para sa instant Japanese dinner date nila ni Kath. Ibinahagi pa ng dalaga sa kanyang Instagram followers ang litrato ng boyfriend hawak ang dala-dalang Japanese food
“Look who brought over our ‘ayuda’ earlier today. Arigato, Mayor Danyel for taking time to prep our Japanese dinner,” caption ni Kathryn sa kanyang IG post.
Kung matatandaan, matapang na nagpahayag ang KathNiel ng kanilang pagsuporta at pagmamahal sa ABS-CBN matapos ngang ipatigil ang operasyon ng network dahil sa cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission.
Samantala, nominado naman ang kanta ni Daniel at ni Moira dela Torre na “Mabagal” bilang Song of the Year at Mellow Video of the Year sa MYX Awards 2020.
Tuloy pa rin ang paghahari ng kapangyarihan ng musika kahit sa panahon ng pandemya, kaya naman tuloy ang pagkilala ng MYX Philippines sa mga angat na musical talent sa MYX Awards 2020.
Sa unang pagkakataon, virtual ang magaganap na awards ceremony, kung saan bida pa rin ang musika sa pagsasama-sama ng mga artist at pagbibigay-saya sa mga Pilipino sa gitna ng kinakaharap na problema.
Ngayong taon, nanguna muli ang rock/funk band na IV of Spades na may anim na nominasyon, kabilang na ang Artist of the Year. Nominado rin bilang Music Video of the Year, Urban Video of the Year, at Song of the Year ang kanta nilang “Come Inside of My Heart;” habang lalaban naman sa Rock Video of the Year at Collaboration of the Year categories ang kanta nilang “Nagbabalik” kasama si Rico Blanco.
Anim din ang nominasyon ng rapper na si Shanti Dope. Apat dito ay para sa kolaborasyon niya kasama si KZ Tandingan na “Imposible,” kabilang na ang Music Video, Song, Urban Video, at Collaboration of the Year. Ang single niya namang “Amatz,” ay nominado para sa Music Video at Urban Video of the Year.
Nominado nga si Moira sa limang kategorya na pinangungunahan ng Artist of the Year. Ang Himig Handog 2019 Best Song na “Mabagal,” na in-interpret niya kasama si Daniel ay nominado nga bilang Song of the Year at Mellow Video of the Year. Lalaban din ito para sa Collaboration of the Year award kasama ang kanta niyang “Patawad, Paalam,” na inawit niya kasama si I Belong to the Zoo.
Nakakuha naman ng tig-tatlong nominasyon ang folk/pop band na Ben&Ben at ang Filipino boy band na SB19, kabilang na ang Artist of the Year at Song of the Year para sa mga kanta nilang “Pagtingin” at “Go Up.”
Kasama naman ng SB19 sa New Artist of the Year category ang sister duo na Gibbs (Gabs at Chi Gibbs), singer-songwriter na si Frankie Pangilinan o mas kilala bilang Kakie, folk pop artist na si Syd Hartha, at ang kauna-unahang “Idol Philippines” grand winner na si Zephanie Dimaranan.
Iboto ang mga paborito niyong artist sa #MYXAwards2020 sa www.myxph.comhanggang July 10 (Biyernes)! Panoorin ang MYX sa SKYcable channel 23 at SKYdirect channel 37.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.