Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. DLSU vs Adamson
4 p.m. FEU vs NU
Team Standings: FEU (7-0); UST (4-3); NU (4-3); UE (4-3); La Salle (3-4); Ateneo (3-4); Adamson (3-4); UP (0-7)
IPAKIKITA ng namamayagpag na Far Eastern University na walang epekto ang mahabang bakasyon sa pagharap nito sa National University sa pagbabalik-aksyon ng 76th UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
May 7-0 kartada ang Tamaraws at nais nilang palawigin ang tatlong larong agwat nito sa mga nasa ikalawang puwesto na kinabibilanganan ng University of Santo Tomas, University of the East at NU Bulldogs na pawang may 4-3 baraha.
Ang laro ay mapapanood dakong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng La Salle at Adamson sa ganap na ika-2 ng hapon.
Kasalo ng Archers at Falcons sa pahingang Ateneo Blue Eagles sa ikalimang puwesto sa 3-4 karta at nais ng La Salle na maulit ang 70-67 panalo sa Adamson noong Hulyo 24.
Naging kontrobersyal ang nasabing laro dahil nabigyan ng bentahe ang La Salle sa endgame nang tawagan ng unsportsmanlike foul ni referee Francisco Olivar si Gian Abrigo ng Adamson.
Nasuspindi si Olivar at humingi ng paumanhin si league commissioner Chito Loyzaga sa Adamson dahil mali ang tawag na iyon ng referee.
Pilit naman na kinakalimutan ni Falcons coach Leo Austria ang pagkatalong ito at itinutuon ang isipan sa second round na kung saan inaasahan niyang lalabas na ang tunay na husay ng kanyang mga bataan.
“The break helped us to re-focus. We know we have a strong chance and they all know what to do in this round. One win could spell the difference for a slot to the Final Four,” wika ni Austria.
Ang tapatan nina Terrence Romeo at Bobby Ray Parks Jr. ang magdaragdag ng kulay sa FEU-NU game dahil ang dalawang ito ay mga kandidato para sa Most Valuable Player award ng liga.
Pero para kay FEU coach Nash Racela, na umakto rin bilang scout ng Philippine Team na nanalo ng pilak sa 27th Fiba-Asia Men’s Championship, dapat na magtrabaho ang lahat ng kanyang mga manlalaro dahil tiyak na mapapalaban sila kontra Bulldogs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.