Alden nagbigay ng ayuda sa mga walang-wala; nagpa-good vibes sa ‘Balang Araw’
TULUY-TULOY pa rin ang isinasagawang relief mission ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Bukod sa pagtulong sa mga kababayan niya sa iba’t ibang bahagi ni Laguna, nagpapaabot din ng ayuda ang Pambansang Bae sa ilang residente na walang-wala na talaga.
Kamakailan, tinulungan din ng Kapuso actor ang mga street dweller na naninirahan ngayon sa Paco Catholic School sa Manila at Don Bosco sa Makati.
Matapos niyang mapanood ang ulat ng 24 Oras tungkol sa Catholic Institutions na ito, hindi nagdalawang-isip si Alden na magpaabot ng kanyang tulong sa nga ito, lalo pa’t malapit sa puso niya ang Paco Catholic School dahil dito siya nag-aral noong high school.
Agad namang nagpasalamat ang kanyang mga natulungan sa isang video message na ipinost sa kanilang Facebook page, “Thank you to our former student Richard Faulkerson, aka Alden Richards for your assistance… please click to watch the videos.”
Maging ang mga taga-Don Bosco Makati ay nagpaabot ng kanilang pasasalamat kay Alden sa mensahe na ipinadala ni Fr. Favie Faldas, “Kay Alden [Richards] malaki ang papasalamat namin sa iyo. Idol ka namin, ‘di lang sa panonood ng TV pati rin sa iyong kagandahang puso.”
Samantala, upang makapaghatid ng inspirasyon at pag-asa, nagsanib-puwersa ang ilang Kapuso artists para sa video na “Balang Araw” na naglalaman ng mga taos-pusong mensahe para sa kanilang mga masugid na manonood.
Sa pangunguna nina Alden, Julie Anne San Jose, Ken Chan, Rita Daniela at Gil Cuerva, tampok sa “Balang Araw” ang mga bida sa variety at musical shows ng Kapuso Network tulad nina Solenn Huessaff, Carmina Villarroel, Christian Bautista at marami pang iba.
“Hindi lang po kami nakikita as ‘yung artista po na umaarte kundi magiging face rin po kami of hope for a lot of people and that means a lot,” kwento ni Rita.
Ayon naman kay Gil, hindi lang sa pagdo-donate maaaring tumulong ang mga tao sa kanilang kapwa, “One of the ways we can help other people is not just through donations but also maybe through sharing some inspiration.”
Magkakalayo man ngayon ang mga pamilyang Pinoy dahil sa banta ng COVID-19, balang araw ay magkakaroon muli ang lahat ng pagkakataong magsama-sama at magsaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.