Bangon Kim, bangon: Yes, I’m back! Your teacher sa classroom!
“I WAS really down the past few days. As in super down.”
Ito ang inamin ni Kim Chiu nang muling humarap sa kanyang fans at YouTube subscribers matapos magpahinga ng ilang araw sa social media.
Matindi ang natanggap na pamba-bash ni Kim mula sa mga netizens dahil sa makasaysayan niyang pahayag na “sa classroom may batas” nang ipinagtanggol niya ang ABS-CBN sa pagpapatigil ng operasyon nito.
Kagabi, inihayag ni Kim sa kanyang bagong vlog na sumama talaga ang loob niya sa masasakit na salitang ibinato ng mga bashers pero aniya, kailangan niyang mag-move on.
Simulang pahayag ng aktres, “Yes, I am back! Your teacher sa classroom. Eme lang! Nagsara muna ako ng puso at isipan ko because of what happened.
“Siyempre maraming mga tao ang perfect. Echos lang! Pero, aaminin ko, hindi naman ako magla-lie to each and everyone, I was really down the past few days. As in super down, pinakamababa pa sa basement ng parking lot pero siyempre kapag may problema hindi mo dapat tinatambayan ‘to kaya doon tayo sa option na move forward.
“’Ang mga problema sa buhay, ‘yan ang magpapatatag sa karakter ng isang tao siyempre sa mundo, ang daming temptations, ang daming taong makakasakit sa ‘yo pero it will teach you how to grow, how to be yourself.
“Wala naman tayong ibang kakapitan kundi sarili lang natin at dahil diyan, itinigil ko ang social media, itinigil ko ang lahat ng makakapasok sa akin siyempre kontrolado mo naman ‘yung emosyon mo, kontrolado mo kung ano ‘yung papasukin mo,” ani Kim.
Pagpapatuloy pa niya, “Okay lang ako, kung sinuman ‘yung nagsalita ng masama sa akin okay lang, gusto ko lang din magpasalamat dahil sa inyo nag-trending ‘yung pangalan ko. Ha-hahaha! Salamat sa atensyon na ibinigay n’yo sa akin at least napasaya kayo di ba.
“Sa social media naman nandoon ‘yung happiness and sadness. So pili ka lang kung anong gusto mong path, ‘yung masaya o malungkot.
“Nu’ng time na ‘yun, malungkot ako kasi mabigat talaga hindi ko in-expect na kayang magsalita ng mga tao ng ganu’n hurtful words grabe!
“Paggising ko, ‘yung mga tao pinagtawanan ‘yung sinabi ko at ako rin, honestly natawa rin, sabi ko, ‘shocks hindi ko naintindihan talaga ‘yung sinabi ko’ kaya pala hindi ako binoto ng mga kaklase ko kapag ako ang pinagde-debate nila ganu’n talaga ako. Ha-hahaha!” tawa pa nang tawang pahayag ng dalaga.
Dagdag pa niya, “Oh well, past is past, it’s done and now nandito na tayo ngayon sa another chapter and I want to make things negative into positive kasi ang dating taong malungkot ngayon so dahil bawal lumabas na-enjoy naman nila ‘yung words ko, napasaya ko sila (netizens).”
Pinasalamatan din ni Kim ang mga nakilala niyang tunay na kaibigan na sinamahan siya sa panahong nasa lowest point siya ng kanyang buhay.
“‘Tong taong ‘to, ayaw ko na humawak ng phone, pero nu’ng time na nagbukas ako ng messages hindi social media, ‘yung mga boss ko sa ABS-CBN, ‘yung sa Star Magic, sinend nila ‘yung open letter ng taong ‘to, concerned siya sa akin kahit hindi kami magkakilala.
“Nilatagan niya ako, parang binuhat niya ako at nilagay niya ako sa kabilang side na ‘wag kang mag self-pity, ‘wag mo i-doubt ang sarili mo. Punta ka dito sa kabila tingnan mo, maraming gold dito.
“Sa ginawa mo hindi mo ba alam maraming sumaya, ganyan. So this time, pinahanap ko siya at gusto kong magsabi ng thank you (teary eyed) for picking me up from my lowest,” kuwento ng dalaga.
Dito na lumabas sa vlog ni Kim si Adrian Crisanto, ang nag-post sa Facebook ng open letter para sa aktres. Tuwang-tuwa at hindi makapaniwala si Adrian na kausap na niya si Kim, “I’m just happy that you are encouraged.”
Nabanggit din ni Kim si DJ Squammy na siyang bumuo ng awiting “Sa Classrom Bawal Lumabas” na nag-viral din kamakailan.
“Ginawa niya akong composer at napanood ko ‘yung viral videos na ginawa niya na merong classical, acoustic (version). Bakit hindi natin siya isali sa usapan natin,” sabi ni Kim.
Ayon kay DJ Squammy ay gets niya kung ano ‘yung pinagsasabi ni Kim at gusto lang niyang pagandahin ang sinabi nito habang pinagkakaguluhan siya ng bashers.
Inamin naman ni Kim na noong unang mapanood niya ang viral videos ay nalungkot siya dahil pinaglaruan ang mga sinabi niya, pero sa kabilang banda ay natuwa siya dahil maski mga pamangkin niya ay sinasayaw sa TikTok ang isinulat ni DJ Squammy.
“Kahit malungkot ang bansa natin, at least nagawa ko ‘yung part ko na mag-entertain ng tao dahil sa ginawa mong beat (music),” say ng aktres. “You brought people together para sumayaw at sumaya.”
Samantala, kinanta ni Kim ang full version ng “Bawal Lumabas” with matching music video kasama ang netizens na sumayaw nito sa iba’t ibang paraan at ilang video clips ng travels niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.