LIBU-LIBONG tao ang nagsilikas sa maraming bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa pagpasok ng bagyong “Ambo,” habang patuloy na nilalabanan ng bansa ang 2019-Coronavirus disease.
Sa Bicol lamang, nakapagtala na ng 2,685 evacuee sa Albay, Masbate, Sorsogon, at Camarines Sur alas-3 ng hapon, o bago ang inaasahang pagtama ng bagyo, ayon sa regional police.
Nagpapatuloy pa ang evacuation sa iba-ibang bahagi ng Bicol, ayon sa tanggapang pangrehiyon ng Office of Civil Defense.
May mga napabalita ring nagsilikas sa Eastern Visayas, pero biniberipika pa ng mga awtoridad ang bilang ng mga ito.
Pero ayon sa tanggapang pangrehiyon ng OCD doon, kumpirmadong dumaranas na ng brownout ang mga lalawigan ng Eastern Samar, Northern Samar, at 11 bayan sa Samar bunsod ng bagyo.
Unang tumama si “Ambo” sa kalupaan ng San Policarpio, Eastern Samar, kaninang tanghali.
Sa Calabarzon, inirekomenda ng OCD ang pagsasagawa ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na may mataas na tsansang magkaroon ng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang insidenteng maaaring idulot ng bagyo.
Pero ipinaalala ng ahensiya na kailangang isaalang-alang lahat ng protocol laban sa COVID-19 gaya ng physical distancing, lalo na sa paglikas.
“All reponse activities must ensure that strict precautionary measures regarding COVID-19 are observed, especially in evacuation,” sabi ng OCD Calabarzon sa ipinalabas nitong memorandum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.