Ang mga tsika ni Janet Lim Napoles | Bandera

Ang mga tsika ni Janet Lim Napoles

Arlyn Dela Cruz - August 13, 2013 - 07:00 AM

NANG humarap si Janet Lim Napoles sa tanggapan ng Inquirer, ang akala niya, ang sabi niya, kuwentuhan lang at hindi siya haharap sa mga editors, reporters at iba pang staff ng pinakamalaking pahayagan sa bansa.

In fairness, matapang siya, ha. Ang tagal din nang pag-upo niya sa harap ng mga editors, columnists at reporters ng Inquirer kahit sa totoo lang, wala namang maunawaan sa sagot niya. Hindi malinaw.

Sige magtanong tayo kunwari, tipong kuwentuhan lang. Parang yun kasi ang gusto niyang estilo.

Ganito kunwari, talk show na relax lang. Tipong kuwento lang ng mga tao sa buhay niya, mga tao sa paligid niya at kung paano ba siya talaga nagsimula at kung paano siya narating ang kanyang kinalalagyan ngayon.

Magtanong tayo kay Janet Lim Napoles.

“Eh ma’am, kailan nga huling bumisita sa inyo si former Congresswoman Zenaida Ducot ng Pampanga?”

Mamasamain kaya niya ang tanong. Itatanggi ba niya na kakilala niya si Ducot? Hindi naman siguro, maliban lamang kung ang pangalan ng dating kongresista ay isa sa mga nababanggit sa umanoy maanomalyang transaksiyon na gamit ang Priority Development Assistance Fund or PDAF o mas higit na kilala sa tawag na pork barrel.

Isa pang tanong: “Ma’am totoo bang noong unang pagkakataon na bumili kayo ng BMW Series III noong 1994 ay halos ininsulto kayo ng account executive ng car company dahil naka-duster lang kayo? Ano ang feeling?

Hindi naman niya siguro mamasamain iyon kasi, binili naman niya yun in cold cash (may transaction record).

So, anong masama?

Pero pagkatapos niyang bilhin yung naturang sasakyan, saan napunta yung sasakyan? Sino ang gumamit nito?
Hindi kaya isang heneral sa militar noon na kung saan may transaksiyon siya sa Command na pinamumunuan nito?

Eh, ano naman kung napunta sa heneral? Binili naman sa presyong second hand. Ano ang masama kung binili naman ito?

Old rich daw ang pinagmulan ni Napoles. Pero noong nag-asawa na, hindi niya nadala ang yamang ito sabi naman ng isang source.

Kung uugatin ang kabuhayan ng mag-asawa, lalabas sabi ng source, rags to riches ang kuwento.

So ang tanong, totoo bang noong bago mag- coup ng ’89 ay nagtitinda lang kayo ng meryenda sa kampo ng military? Stork? Skyflakes at sandwhich?

May masama ba rito? Wala! Isa ngang mala-king karangalan kung talagang ang pinagmulan ay hamak. Walang masamang magtinda. Nakakabilib nga. Laban lang sa kahirapan ng buhay sabi nga. Pero kung paanong mula roon, naging dealer at supplier siya sa military simula noong early ‘90s, at paano niya narating ang kinalalagyan niya ngayon? Lahat naman may pinagmulan.

Isa pang tanong: “Ma’am close ba kayo kay dating Flag Officer in Command ng Philippine Navy na si retired Vice Admiral Eduardo Ma. Santos?”

Ano naman ang masama kung close? Masyado namang malisyoso ang tanong? Ano ang point? Wala, wala lang, pero kung sa back-tracking ng mga transaksiyon nito sa nakalipas noong sa military pa siya nagpapatakbo ng kanyang negosyo sa pamamagitan ng kanyang trading company, matutukoy kung paano niya narating ang kanyang kinalalagyan ngayon. Yan ay kung talagang seryosong uugatin.

Ang mahirap kasi sa kuwentong tinatahak ngayon, na dati ng mayaman, na galing sa ganito at ganyan ang kayamanan, ang totoo, marami silang kaibigan, mga dating kakilala, mga dating nakasama na alam kung saan sila nagmula. May isa ngang nagsalita, ibinitin pa, hindi pa tinumbok, nandun pa rin ang pagpapahalaga sa uniporme at minsan ay pinagsamahan nilang kosa ng asawa ni Janet LimNapoles.

Nandoon pa rin ang pagsasaalang-alang sa brotherhood.

Walang masama sa kayamanan. Walang masama na lasapin ang karangyaang taglay. Pero may tunay na kuwento sa kayamanang ito. At ang tunay na kuwento, hindi lamang si Janet Lim-Napoles ang dapat na tanungin o dapat na magkuwento.

Minsan may nagsabi ng linyang ito, “Hindi ko ito narating na mag-isa.” Ibang kuwento iyon, ibang hamak na simula at kuwento ng tagumpay iyon, pero angkop ang linyang iyon: Hindi niya ito narating ng mag-isa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Editor: May komento o tanong ba kayo sa kolum na ito? I-text ang OFFCAM, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending