Angelica sa gobyerno: Nililihis n’yo kami, nasaan na ang mass testing?
INAKUSAHAN ni Angelica Panganiban ang gobyerno ng paglilihis umano sa tunay na issue na kinakaharap ngayon ng bansa.
Hanggang ngayon ay nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine ang bansa dulot ng COVID-19 pandemic, at halos lahat ng mga Pinoy ay hindi pa rin makalabas at makapagtrabaho.
Isa si Angelica sa mga artista ng ABS-CBN na natigil din ang trabaho dahil sa lockdown pero mas lumala pa ang kanilang pag-aalala nang biglang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang operasyon ng TV network.
Tuluy-tuloy ang isinasagawang online protests ng mga Kapamilya celebrities dahil dito at isa nga si Angelica sa matatapang na artista ng istasyon na nagpapahayag ng kanyang saloobin tungkol sa shutdown.
Sa kanyang Twitter account, hinamon ng aktres ang mga nasa gobyerno, “Asan na mass testing? Mabalik tayo. Nililihis niyo kami.”
Sa isa pa niyang tweet, muling ipinagdiinan ni Angelica ang tila pagpapabaya ng pamahaalan sa mga napapanahong issue ngayon. Aniya, “Mass testing, press freedom, vaccine, ayuda, PAKIUSAP.”
Samantala, binalaan naman ng Kapamilya actress ang kanyang fans at social media followers na huwag nang sagutin o replayan ang mga bashers para mas lalong maasar ang mga ito.
May isa kasing netizen ang nagkomento na parang maraming nagbubulag-bulagan sa mga nangyayari ngayon.
“Bulag? Mas marami sila satin. Yun ang nakakalungkot. Pero, may magagawa tayo kapag nagsalita tayo.
“Nagkaisa tayo. Ewan ko. Ano ba alam ko. Bobo kaya ako sa paningin ng karamihan. Di ba bashers?
“Kaya nga ako iniwan ng jowa? Oooops!! Bawal tayo pumatol sa kanila. Kikita sila,” pahayag pa ni Angelica.
Ayon pa sa aktres, inaasahan pa niya na mas darami pa ang mga bashers at trolls na mang-aaway sa kanilang mga taga-ABS-CBN dahil palaban na sila ngayon.
“Hindi ako sigurado (kung ilan ang trolls na may fake accounts). Pero milyon sila. Kaso, nanahimik tayo dahil sa takot. Hindi na ko takot ngayon,” sey pa ng dalaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.