Coco beast mode pa rin: Ang galing-galing n’yo NTC! Nakaka-proud!
PALABAN pa rin at mukhang walang balak manahimik ang Teleserye King na si Coco Martin matapos ang pagpapasara sa ABS-CBN.
Aktibung-aktibo ngayon ang bida ng FPJ’s Ang Probinsyano sa pagpaparamdam ng kanyang galit at pagkadismaya sa pamamagitan ng Instagram tungkol sa pagpapatigil ng National Telecommunications Commission sa operasyon ng Kapamilya Network.
Nauna na niyang binanatan ang mga nagpapakalat ng fake news lalo na ang mga akusasyon na may nilabag ang ABS-CBN sa pagre-renew ng franchise to operate.
Ipinost din niya sa IG ang naging pahayag ng ilang public officials na naninindigan para sa Kapamilya station. Isa na rito ang sinabi ni Sen. Manny Pacquiao na walang masama kung bibigyan ng NTC ng provisional authority ang network.
“Maraming salamat Sen. Manny Pacquiao! Very well said. Tama po kayo maraming taong napagkaitan, na sana nabibigyan at nahahatiran ng ABS-CBN ng tulong ngayon ‘yung mga taong gutom na gutom sa mga oras na ito. Nakakatulong sana kami sa gobyerno ngayon! “Nakakapagbahagi sana ngayon ng pagkain at donasyon sa maraming Pilipino. At makakapaghatid ng balita sa kung anong mga nangyayari sa bansa,” simulang pahayag ng aktor.
“Ang NTC ay nagmarunong at binalewala ang kongreso. Wala silang pakialam kung ano ang pinagdadaanan ng ating bansa at ng buong mundo, nanguna ang pagpapabida para very good sila kung sinuman ang Amo nila. Ang galing-galing ninyo NTC nakakaproud!!!
“Mas marami pa sanang kaming matutulungan, kaya lang ayaw po ng NTC, kaya pinasarado po ang ABS-CBN. ‘Wag po kayong mag-alala pilit pa rin tumutulong ang ABS-CBN sa abot ng makakaya nito. Sana ‘yung mga hindi maabot ng tulong namin ay matulungan ng mga trolls at bashers namin!
“Yung mga tuwang-tuwa dyan ngayon na sarado na ang ABS-CBN, baka pati kayo walang pagkain kaya ang haba ng oras niyo bantayan ang ginagawa namin. Hayaan niyo at padadalhan na rin po namin kayo ng tulong para hindi po kayo mapagod magbanat ng buto para may makain kayo, nakakahiya naman po sa inyo e ang pinagkakakitaan nyo ngayon ay ang manira ng kapwa,” lahad pa ni Coco.
Patuloy pa niya, “At tutal, wala na kaming ipapalabas, wala nang mapapanuod ang mga supporters at tagahanga namin, kayong mga trolls at bashers namin ang manunuod sa amin! Bantayan ninyo ang bawat kilos at galaw namin at sisiguraduhin po namin na paliligayahin namin kayo sa mga mababasa at maririnig ninyo sa amin! Wag nang magtangka magkomento mapapagod ka lang hindi ako ga’no marunong magbasa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.