HINDI gusto ni Robin Padilla na magsara ang ABS-CBN matapos magbigay ng stop operation order ang National Telecommunications Commission sa network giant matapos ma-expire ang franchise nito.
Aniya, hindi ang pagsasara ang nais niya para sa network kung hindi pagbabago.
“Ang nais natin ay pagbabago sa abscbn hindi ang pagsasara nito. Nasa panahon tayo ng humahagupit pa ang mata ng covid 19 sa labas ng mga bahay natin at nagbabanta na makapasok at manalanta hindi po mainam na magtagal ang pagsasaayos ng franchise ng aming network ito ang oras para harapin ito dahil kailangan ng information ng mga pilipino sa buong mundo at lalong kailangan ng trabaho ng nasa industria ng telebisyon at pelikula.”
“Umpisahan na kagyat ang pagdinig dito at unahin harapin ang mga dapat baguhin. Mga kababayan nasa peligro ang bawat buhay ng Pilipino at ang economia ng bansa naniniwala ako na ang lahat ngayon ay bukas sa pagbabago at handang sumunod sa kung ano ang dapat maitawid lang nating lahat sa pagsubok at makaahon ang Inangbayan Pilipinas” post niya sa kaniyang Instagram account.
Matatandaang na-bash si Robin sa kasagsagan ng mainit na usapan tungkol sa renewal ng franchise ng ABS-CBN noong February.
Pinuna niya ang working conditions ng mga nagtratrabaho sa network.
Hinamon din niya ang ilang mga artista nagpapakita ng simpatiya sa network na ilabas ang kanilang network contract nang ito ay makumpara sa mga katrabaho nila sa shooting.