2 crime gang member patay, 1 pa dakip sa buy-bust
DALAWA umano’y kasapi ng isang grupong sangkot sa iba-ibang krimen ang napatay habang isa pa ang nadakip sa buy-bust operation sa Calamba City, Laguna, Sabado ng hapon.
Nakilala ang mga napatay bilang sina Marlon Fajardo alyas “Badong” at Roberto Luis Amador, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Nadakip naman si Maximo de Luna Jr., na kapwa umano nila miyembro ng tinaguriang Barok Fajardo drug and robbery/hold-up group.
Isinagawa ng mga tauhan ng Laguna Provincial Intelligence Branch at Provincial Drug Enforcement Unit ang operasyon dakong alas-3:20, sa Sitio Majada, Brgy. Canlubang.
Nadakip si Luna matapos makabili sa kanya ng isang sachet ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.
Pero ilang saglit bago ito, nakutuban umano nina Fajardo at Amador, na noo’y nakasakay sa kotse, na pulis ang ka-transaksyon ng kanilang kasamahan kaya nagpaputok.
Dito na gumanti ng putok ang mga back-up na operatiba, hanggang sa mapatay sina Fajardo at Amador.
Nakuhaan ang mga suspek ng isang kalibre-.9mm semi-automatic pistol, kalibre-.38 revolver, mga bala’t basyo, at aabot sa P700,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska din sa mga ito aang P1,000 buy-bust money, isang cellphone, at sari-saring drug paraphernalia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.