Sylvia: Sabi ko Lord, ibigay na lang sa akin ang virus, ako na lang po…
MATINDING takot ang naramdaman ni Sylvia Sanchez nang malaman niyang meron siyang COVID-19, pati na ang asawa niyang si Art Atayde.
Unang-unang inalala ng award-winning Kapamilya actress nang mag-positibo siya sa tinaguriang killer virus, ay ang kanilang mga anak.
“Ang unang pumasok sa akin, oh my God, ang mga anak namin kawawa kapag, let’s say, nawala kami pareho. Hindi ko ma-imagine ang pain na dadaanan ng mga bata kapag nagupo kami ng COVID. So sabi ko sa asawa ko laban tayo,” simulang kuwento ni Sylvia sa panayam ng Magandang Buhay. May limang anak si Sylvia, kabilang na sina Arjo at Ria Atayde.
Patuloy pang kuwento ni Ibyang, “Ang dasal ko, Lord, kung may matatamaan sa mga anak ko, huwag naman po. Ibigay na lang sa akin ang virus nila. Ako na lang po.
“Tapos dumidiretso ako sa kung may mamatay sa aming mag-asawa, ako na lang. Buhayin mo ang asawa ako, sila na lang. Humihirit pa rin ako. Pero Lord, halimbawa, kaya mo naman na walang mawawala, mas masaya po, basta po ‘yon ang gusto ko, kung gugustuhin niyo po,” chika pa ng aktres.
Pero sa kabila ng takot at pangamba, hindi raw umiyak si Ibyang, talagang nagpakatatag siya sa pagharap sa matinding pagsubok na ito.
“Never akong umiyak sa ospital. Kasi pagpasok ko, April 1, morning na noong April 2 ay nagdedelikado ako kasi doon sabay-sabay na nag-react ang virus. Thank God, ‘di ko inabot ‘yung severe, ‘yung hirap na hirap huminga, pero in-oxygen ako kasi nahirapan din ako huminga.
“Pagpasok ko pa lang ng ospital ay mababa na ang oxygen ko kasi may pneumonia na ako. Tapos pagpasok ko bumaba pa ang BP ko. Sabay-sabay yun, tapos inatake ng virus. Tapos kumalat sa katawan ko. Tinarget din niya ang puso ko,” ani Sylvia.
Ano ang ginagawa nila ng kanyang asawa habang nakikipaglaban sa killer virus, “Nagro-rosary kami. Tumatawag ang buong Atayde, nagzu-Zoom kami ng ng 6:30, ‘yun ang everyday na ginagawa. Tapos ‘yung pamilya ko rin sa probinsiya, pamilya Campo ay nagro-rosary din kami ng 3 o’clock,” pagbabalik-tanaw pa ni Sylvia.
Abot-langit din ang pasasalamat ng nanay nina Arjo at Ria sa mga frontliners na walang tigil na nagbubuwis ng kanilang buhay para labanan ang COVID-19.
Ito naman ang payo niya sa lahat ng mga natatakot dahil sa coronavirus, “Gusto kong sabihin sa may sintomas ng COVID huwag kayong matakot. Kasi hindi kami dumating sa sobrang severe na hindi makahinga, kasi naagapan namin.
“Nagpunta kami ng ospital talaga. Unang-una takot ako kasi iniisip ko may COVID, ‘di ko nga alam na may COVID ako but nilakasan namin ‘yung loob naming mag-asawa,” aniya pa.
Sa ngayon ay patuloy pa ring nagpapalakas si Ibyang, “Dito ako ngayon nagbabawi. At least bumabawi ako ng pakonti-konti kasi kailangan kong palakasin ang immunity system ko. Importante ‘yon sa ating lahat, immune system kailangan i-boost natin.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.