INIREKOMENDA ng isang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) kay Pangulong Duterte ang suspensyon ng klase hanggang Disyembre bilang bahagi ng patuloy na kampanya kontra coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Dr. Mahar Lagmay, ng UP Diliman na 56 porsiyento o ang mga edad mula zero hanggang 19 ang may pinakamalaking interaksyon sa tao.
“Noong tiningnan din po iyong mga number ng mga schools ‘no—iyong interaction pala rather ng mga different age groups, iyong zero to 19 years old, … nakita po doon sa models na iyong interaction ay pinakamalaki kapag iyong mga bata ang nag-i-interact,” sabi ni Lagmay.
Kabilang si Lagmay sa mga dumalo sa pagpupulong na ipinatawag ni Duterte bilang bahagi ng konsultasyon kung ano ang gagawin ng gobyerno sa pagtatapos ng lockdown sa Luzon sa Abril 30.
“In fact, it’s roughly around 56%, at base doon sa mga models, kapag tayo ay walang klase – ito po ay nirerekomenda – kapag walang klase hanggang December ay malaki po ang maibabawas natin sa transmission ng COVID-19,” dagdag ni Lagmay.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pag-aaralan pa ni Duterte ang nasabing rekomendasyon.
Ikokonsidera rin ang pangangailangan ng doktor at nurse sa bansa sa panukala ni Lagmay, ayon kay Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.