POSIBLE umano na ilan sa mga lumalabag sa Enhanced Community Quarantine ay naghahatid ng droga sa iba’t ibang lugar.
Ayon kay House committee on dangerous drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers binibigyan lamang ng traffic violation ticket ang mga lumalabag sa ECQ at hindi tinitignan kung ano ang mga dala nito.
“Base sa mga impormasyon kong natatanggap, may malaking shortage sa supply ng droga sa kalye dahil sa ECQ laban sa Covid-19. At nitong mga nakaraang araw, maraming sasakyan ang lakas loob na tumatawid sa PNP checkpoints dahil tinitikitan lang sila at di tsini-check kung ano ang karga – kung may kontrabando ba o wala – ng kanilang mga sasakyan,” ani Barbers.
Maliit umano ang multa sa paglabag sa ECQ kumpara sa laki ng kikitain sa pagbebenta ng droga.
“Nuong Lunes, nabalitaan at napanood ko sa mga TV footages ang dami ng sasakyan na tumatawid sa PNP checkpoints. Sita, tiket at walang bukasan ng trunks ng mga sasakyan. Sa dami ng mga violators, malaking posibilidad na ang ilan dito ay pasok sa transport ng droga. Walang search, eh,” dagdag ng solon.
Hindi rin umano maiaalis ang posibilidad na may mga droga na isinasabay sa delivery ng pagkain at iba pang essential goods dahil hindi hinaharang quarantine checkpoint ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.