BAYANIHAN ang susi para kahit papaano ay makaagapay tayo sa hirap at pasakit na dulot sa atin nitong coronavirus disease o Covid-19.
Kaya nga kahanga-hanga ang ginagawang pagtutulungan o bayanihan ng iba’t ibang sektor para maisalba ating mga mahihirap na kababayan. Isa sa nakikita nating pagtulong na ginagawa ay itong “Panday Bayanihan” na kamakailan lang ay inilunsad ng anak ng Panday na si Senador Grace Poe.
Sa mga millenials na hindi kilala si Panday — ito ay sikat na pelikulang pinagbidahan ng tatay ng senador na si Fernando Poe Jr., na siya ring nagpasikat ng “Ang Probinsyano” na ginagampanan naman sa teleserye ni Coco Martin.
Binubuhay talaga ng senador ang legacy na iniwan ng kanyang ama — ang matulungan ang mahihirap nating mga kababayan. Kaya nga sa programang ito, ang bida talaga ay ang mga mahihirap na kapos na kapos ngayon dahil sa lockdown.
Bilang bahagi ng “Ang Panday Bayanihan” nagpadala si Poe ng isang trak ng bigas sa Maynila na naglalaman ng 100 sakong bigas, na tig-50 kilo kada sako.
Kaya malaking tulong ito sa mga taga-Maynila ngayong tumitindi ang krisis dahil tigil nga ang hanapbuhay ng marami sa atin dahil sa lockdown.
Bukod sa bigas, namahagi rin si Poe ng testing kits kung saan target na magbebenepisyo ang iba’t ibang barangay sa Maynila. At hindi lang sa Maynila, nagkaloob din ang Panday Bayanihan ng mga sako ng bigas sa Pakil, Laguna.
Bukod pa yan sa 1,000 FDA-approved rapid test kits ang naipamahagi rin sa iba’t ibang barangay health centers sa Metro Manila para mapabilis ang pagtukoy sa mga tinamaan ng COVID-19.
Nagbigay rin si Poe ng mga bigas, PPEs, alkohol at sa Angono at Taytay, Rizal.
Nagpa-abot din ng tulong si Poe sa mga frontliners kung saan 60 checkpoints ang napuntahan para mabigyan ng ayuda. Tinatayang 1,200 kits ang naipamigay sa mga frontliners sa checkpoints ng Quezon City, Malabon, Navotas, Caloocan, Valenzuela, Manila, San Juan, Mandaluyong, Pasig, Marikina, Taguig, Pateros, Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas at Muntinlupa.
Umabot din ang “Panday Bayanihan” hanggang Zamboanga City sa pamamagitan ng mga volunteers at kanyang mga tagasuporta.
Napakahalaga ng tulong ng bawat isa para malagpasan ng bansa ang krisis na nararanasan dulot ng pandemic.
Talagang buhay na buhay pa rin ang alala ni Da King sa pakikipagbayanihan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.