Nag-away sa babae: pulis ginulpi, binaril ng kabaro
SUGATAN ang isang pulis nang gulpihin at barilin pa ng kapwa alagad ng batas, sa Lucena City, Quezon, Huwebes ng gabi.
Dinala sa ospital si SSgt. Marco Millabas, nakatalaga sa bayan ng Padre Burgos, dahil sa mga pinsalang tinamo, kabilang ang tama ng bala sa kaliwang binti, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Nasa kostudiya ngayon ng Lucena City PNP ang suspek na si MSgt. Lawrence Burac, nakatalaga sa Regional Intelligence Division.
Naganap ang insidente dakong alas-11, sa PNB Homes, University Village, Brgy. Ibabang Dupay.
Ayon sa provincial police, puwersahang pinasok ni Burac ang isang bahay doon kung saan namamalagi ang kanyang liv-in partner at si Millabas.
Kinumpronta muna umano ni Burac ang live-in partner na inakusahan niyang nakipagrelasyon kay Millabas, saka sinaktan ang babae.
Kasunod nito’y hinarap naman niya si Millabas, dinisarmahan, ginulpi, at tinangkang isakay sa kanyang sasakyan.
Nang manlaban si Millabas ay saka ito binaril sa binti ng suspek, ayon sa provincial police.
Matapos ito’y dinala ni Burac si Millabas sa Lucena City Police Station, at doo’y sumuko rin.
Nakumpiska sa kanya ang kanyang government-issued firearm at ang baril ni Millabas.
Hinahandaan na si Burac ng kasong attempted homicide at paglabag sa Violence Against Women and Children Law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.