Paalala ng DILG social card bawal i-xerox
MULING ipinaalala ng Department of Interior and Local Government na hinidi ibinebenta at bawal i-xerox ang social amelioration card (SAC) na pinasasagutan sa mga pamilya na napili na tumanggap ng P5,000-P8,000 tulong pinansyal ng gobyerno.
Iginiit ni DILG spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya na makakasuhan ang nagbebenta at nagsi-xerox ng SAC.
Ang mga SAC ay pre-numbered at mayroong barcode mula sa Department of Social Welfare and Development.
“Nais ng gobyerno na mabilis na maipaabot ang pinansyal na ayuda sa mga mahihirap sa gitna ng Covid-19 crisis pero binabalaan po ang publiko laban sa pekeng social amelioration forms. Hindi ito for sale at lalong hindi for reproduction maging ng LGUs o sinumang indibidwal o grupo,” ani Malaya.
Ang mga empleyado ng DSWD na nagbibigay ng tulong pinansyal ay maaaring humingi ng tulong sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para sa kanilang seguridad.
“Kasabay ng pagpapabilis ng pamamahagi ng ayuda mula sa social amelioration program ay ang pagtitiyak na makakarating ito sa mahihirap at hindi sa bulsa ng mga tiwali’t mapagsamantala,” dagdag pa ni Malaya.
Iginiit naman ni Malaya na hindi ang mga kakampi lamang ng mga nakaupong pulitiko ang dapat na makinabang sa perang ipinamimigay ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.