GINAWA ng Diyos sa unang araw ang langit at lupa, sumunod ang kalangitan, lupa’t dagat, damo’t punong kahoy, hayop, isda at ibon at sa pang anim na araw ang tao, si Adan.
Nakita ng Diyos na hindi mabuti na mag isa ang tao, kaya pinatulog niya si Adan at kinuha niya ang isang tadyang (ribs) nito at mula rito ginawa ang babae, si Eba.
Ang unang batas
Sinabi at pinaalam ng Diyos kay Adan na HUWAG kakainin ang prutas (sabi nang iba mansanas daw) na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang tama at mali.
Ang utos ng Diyos na huwag kakainin ang nasabing prutas ay maituturing na unang batas sa sangkatauhan.
Ang unang paglabag sa batas
Kinain ni Eba ang prutas na pinagbabawal kainin ng Dios dahil sinulsulan at nilinlang siya ng ahas.
Binigyan ni Eba si Adan ng prutas na pinagbabawal at kinain naman ni Adan ito bagamat alam niya na ito ay mahigpit na ipinagbabawal nang Dios.
Ang pagkain ni Adan at Eba sa ipinagbabawal na prutas ay masasabing kauna-unahang paglabag ng tao sa isang batas.
Ang unang subpoena
Nang gabing yaon, narinig ni Adan at Eba ang mga yabag ng Diyos at sila ay natakot at nagtago.
Bagamat alam ng Diyos kung saan nagtatago at naroroon si Adan at Eba, nagsalita at nagtanong pa rin ang Dios “saan kayo naroroon” at lumabas at humarap si Adan at Eba.
Hinanap ng Diyos si Adan at Eba para humarap sa kanya upang ang mga ito ay magpaliwanag sa kanilang pagsuway sa kanyang utos.
Ang unang hearing o paglilitis
Alam na ng Diyos na nilabag ni Adan ang kanyang kautusan na huwag kainin ang pinagbabawal na prutas pero tinanong pa rin ng Diyos si Adan kung kinain nito ang prutas na kanyang ipinagbabawal kainin.
Ginawa ito ng Diyos para mabigyan nang pagkakataon si Adan na magpaliwanag.
Ang paliwanag ni Adan ay makikita sa sagot niya sa tanong ng Diyos na tila sinisisi pa itinuro si Eba ang may sala nang lahat. Ito ang sagot niya “kasi pinakain po ako nang babaeng ibinigay ninyo sa akin”.
Matapos mapakinggan ang depensa ni Adan. Tinanong naman ng Diyos si Eba, bagamat alam na nito ang katotohanan. “Bakit mo ginawa ang bagay na iyon?”.
Kagaya rin kay Adan, nais ng Diyos na mabigyan ng pagkakataon si Eba na magpaliwanag.
Dahil siya ang tinuturo ni Adan na instigator at pasimuno nang lahat, ang depensa naman ni Eba, eh biktima rin siya. Niloko siya ng ahas. Maliwanag ito sa sagot niya sa tanong ng Dios “mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya natukso akong kumain”.
Ang unang paghatol o judgment
Matapos tawagin sila Adan at Eba, tanungin kung kinain nila ang prutas na pinagbabawal at pakinggan ang mga sagot at depensa ng mga ito, saka lang naglabas ng hatol o judgment ang Diyos.
Pinarusahan ng Diyos si Eba na dadanas ito ng kahirapan sa pagbubuntis at panganganak at si Adan naman, dahil nakinig ito kay Eba na kainin ang pinagbabawal na prutas siya ay magbubungkal ng lupa kung saan magmumula ang pagkain niya.
Pinalayas din ng Diyos si Adan at Eba sa Garden of Eden.
Syempre si ahas na nagbigay ng false information kay Eba ay sabit din – convicted. Pinarusahan ng Diyos ang ahas na gumapang sa lupa.
Ang pamamaraan na ginamit ng Diyos sa paglitis kay Adan at Eba ay siya pa ring ginagamit ngayon ng mga demokratikong bansa kagaya ng Pilipinas.
– POSTSCRIPT –
Hango sa malikot na pag-iisip ng may akda, sa ilang piling personalidad na nakasaad sa lumang tipan at mga natutunan nang may akda sa kanyang dating professor – Attys. Carlo Cruz at Juanito Arcilla gamit ang librong Constitutional Law ni Justice Isagani Cruz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.