NPA umatake sa bigayan ng relief goods, 2 dakip
ARESTADO ang dalawang kasapi ng New People’s Army nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang mga rebeldeng sumalakay sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektado ng community quarantine sa Aroroy, Masbate, Biyernes ng hapon, ayon sa militar.
Ang dalawang nadakip ay kapwa miyembro ng Milisyang Bayan, ayon kay Capt. John Paul Belleza, tagapagsalita ng Army 9th Infantry Division.
Naganap ang engkuwentro dakong alas-5:30, sa Brgy. Cabas-an.
Tumutulong sa pamamahagi ng relief goods ang mga miyembro ng 2nd Infantry Battalion at pulisya, nang paputukan sila ng aabot sa 15 rebelde, ani Belleza.
Tumagal nang 5 minuto ang palitan ng putok, bago umatras ang mga rebelde patungo sa direksyon ng Brgy. Nabonsoran, aniya.
Narekober naman sa pinangyarihan ang isang kalibre-.45 pistola, dalawang homemade shotgun, isang Carbine rifle, mga anti-personnel mine, at sari-saring bala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.