Marian mas piniling maging ‘padede mom’ kesa tawaging hot nanay
DEDMA muna ngayon sa pagpapaganda ng katawan ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Kahit siyam na buwan na ang bunsong anak nila ni Dingdong Dantes na si Baby Ziggy, wala pa ring balak bumalik sa gym ang aktres-TV host para mag-workout at sumailalim sa “balik-alindog” program.
Aniya, gusto muna niyang bigyang prayoridad ang pagpapadede sa kanyang bunso.
Sa panayam kay Marian ng GMA sa set ng drama anthology na Tadhana sinabi niyang kailangan niyang karirin ang breastfeeding.
“To be honest, wala kasi, hindi pa rin ako nagba-back to gym para maging fit kasi nagpapadede ako sa anak ko so mas priority kong maging padede mom muna sa ngayon.
“Ang mahalaga kasi talaga sa akin is mabigyan ko ng gatas ang anak ko. So ‘yun muna ang priority ko. Ang pagpapa-sexy at pagpapaganda ng katawan next na ‘yan,” pahayag ng misis ni Dingdong.
May advice rin si Marian sa lahat ng nanay na nako-conscious o nai-insecure sa kanilang itsura, “The mere fact na naging nanay ka, maging blessed ka, kasi hindi lahat pinagpapala na magkaroon ng mga anak.
“So walang problema kung tumaba ka or may nangitim sa ‘yo dahil sa panganganak mo, parte ‘yun ng pagiging isang ina na maging proud ka dapat,” aniya pa.
Secured ang feeling ni Marian bilang nanay at asawa dahil super supportive at loving husband si Dingdong.
“Kami kasi ni Dong, ano talaga kami, buo kami as a couple. So alam kong palagi siyang nandiyan kapag may mga pakiramdam ako na nahihirapan ako, napapagod ako.
“At malaking bagay talaga na nasa likod mo talaga ang asawa mo na pinu-push ka para maging positive ka everyday,” sey pa ni Marian.
Ibinahagi rin niya ang kanyang sikreto sa pagkakaroon ng happy life at pagiging happy wife, “Hindi puwedeng wala akong time sa sarili ko.
“Sabi nga nila, kailangan 100 percent buo ka at mahal mo ang sarili mo kasi hindi mo maibibigay kung anong wala ka,” lahad pa ng Kapuso TV host-actress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.