LABING-apat na araw na lang, tapos na ang “Enhanced Community Quarantine” sa buong Luzon. Tapos na ito sa Abril 12.
Pinabulaanan ng Malakanyang ang mga balita na na total lockdown sa huling dalawang linggo ng ECQ, na naging sanhi ng panic buying ang mga tao.
Pero, nasaan na ba tayo matapos ang dalawang linggo? Nitong Linggo nasa 1,075 ang COVID-confirmed at 68 katao ang nasawi. Merong 972 active cases kung saan, isa ang kritikal at 35 ang naka-recover.
Ayon sa DOH, meron na silang 2,147 covid 19 tests na natapos at ngayong dumating na ang mga bagong test kits, makakayanan na ang 1,000 tests bawat araw na mabilis din ang resulta. May 500 tests ang gagawin ng RITM samantalang ang balanse ay sa limang sub-national laboratories na itinayo.
Talaga pong mahalaga ang “testing” dahil hanggang ngayon walang nakakaalam kung ilan ang aktwal na bilang ng mga Covid-19 confirmed cases. Sabi ni Health Sec. Fransisco Duque , posibleng dumoble ang kasalukuyang bilang. Sabi naman ni ex DOH Sec. Manuel Dayrit, maaring nasa 16,000-20,000 ang totoong numero.
Maalala niyo ang inilabas kong WHO presentation na nagbulgar na halos 70,000 sa atin ang tatamaan ng COVID-19 kung hindi aaksyon ang Duterte administration. Ito ang dahilan kayat iniutos ang “lockdown”.
Noon, lima o pitong araw bago lumabas ang resulta ng testing sa RITM. Nauna rito, sa Australia pa nanggagaling . Ika nga, patay na ang pasyente ay di pa alam kung positive o hindi.
Inaasahan ng DOH na dumating ang 120,500 test kits mula sa China, Korea at Brunei. May problema lamang sa 2,050 test kits mula sa China at Korea. Ayon sa DOH, 40 percent lang ang accuracy ng test kits galing sa China. Pero, aprubado naman ng FDA ang 15 COVID-19 test kits para sa “commercial use”.
Importante ang mga test kits upang matukoy kung sinu-sino sa atin ang mga kumpirmadong COVID-19 carriers. Sila kasama ng mga nahawahan nilang pamilya, kaibigan, kaupisna ang dapat i-quarantine at gamutin.
Kung susuriin, hindi ito simbagsik ng SARS O MERSCOV, sobrang bilis lang kumalat at delikado talaga sa mga “seniors”. Mas mababa rin ang mortality rate kumpara sa aktwal na mga kaso .
Kaya naman, malaking “challenge” sa bawat Pilipino ang susunod na dalawang linggo, at kapag natapos ang “lockdown” sa Abril 12. Maraming hirap ang inabot natin sa nakaraang dalawang linggo, pero,ito’y para rin sa ating pamilya.
Ang pinaka-importante, napigilan nito kahit papaano ang mas matinding pagkalat sa bawat bayan at lungsod.
Ang susunod na labanan ay ang malawakang “testing” , at kung positibo, isolation at “detective work” para matipon ang mga posibleng nahawahan.
Sa dami nang nababasa natin sa social media, mulat na tayo sa panganib ng COVID-19. Ito ang tamang panahon para isiping napakahalaga ngayon ng kalusugan ng buong bansa at siyempre simula iyan sa bawat pamilya. Dahil habang narito at hindi nakokontrol ang “virus” na ito , mahihirapang bumalik ang bansa sa normal na buhay.
Dapat lang na sa susunod na dalawang linggo at kapag nawala ang lockdown, tumulong tayo sa gobyerno na hanapin ang mga kababayan nating may COVID-19 upang sila’y gumaling kaagad. I-trackdown natin at pigilan ang pagkalat ng “virus” na ito katulong ng DOH at ng buong gobyerno. Ito’y para sa bansa at sa ating lahat!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.