Target ni Tulfo ni Mon Tulfo
DAHIL sa El Nino o matinding tag-init magkakaroon ng malawakang blackout o brownout sa bansa, lalo na sa Visayas at Mindanao.
Hindi mangyayari ang ganitong situwasyon kung hindi isinara ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) ng administrasyon ni Pangulong Cory.
Isinara ang BNPP, na magbibigay sana ng kuryente sa buong kapuluan, dahil ito’y proyekto ni Pangulong Marcos.
Kung hindi isinara ang BNPP, wala tayong problema ngayon sa brownouts dahil ang nuclear power ay walang paltos.
Ang masakit pa nito, nagbabayad ang ating gobyerno ng milyun-milyong piso buwan-buwan dahil sa pagpapatayo ng BNPP na wala nang pakinabang.
* * *
Ang sinasabing dahilan ay mapanganib ang BNPP dahil baka magkaroon ng leak sa planta gaya ng nangyari sa Chernobyl sa Russia at sa ibang lugar kung saan marami ang namatay.
Pero ang nangyari sa Chernobyl at sa ibang lugar na may nuclear planta ay kapabayaan o aksidente.
Ang mga gumawa ng BNPP, mga experts sa Westinghouse, ay pinag-aralan ang mga sakuna sa Chernobyl at ibang lugar at sila’y natuto sa mga ito.
* * *
Ang tunay na dahilan kung bakit isinara ang BNPP ng administrasyong Cory ay poot at paghihiganti sa pinatalsik na pamahalaan.
Para kay Tita Cory at sa kanyang mga alipores, lahat ng mga proyekto ni Marcos ay masama at dapat ay sirain o ipatigil.
Humihingi ako ng paumanhin sa aking sinasabi dahil yumao na ang dating Pangulo na mahal ng karamihan, pero ang sinasabi ko lang ay katotohanan.
Lahat ng mga proyekto o ahensiya na magbibigay alaala sa pinatalsik na diktador ay kailangang lansagin.
Mga halimbawa: Ang Philippine Constabulary (PC), na kauna-unahang pulisya na itinatag noong panahon ng Kano, ay nilansag at pinalitan ng Philippine National Police (PNP).
Ang Metropolitan Command (Metrocom), na isang unit ng PC na nagbabantay ng Kalakhang Maynila, ay pinalitan ng pangalan at ngayon ay National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ang mga ospital na noon ay world-class gaya ng Heart Center, Kidney Center, Lung Center, Bagong Lipunan Hospital ay naging “wa-class” o bulok na ngayon.
Ang napakagandang Sto. Nino Shrine sa Tacloban, binaboy ng mga tauhan ni Tita Cory dahil ito’y ipinatayo ni Imelda Marcos.
* * *
Ayaw ipalibing ng Pangulong Cory ang bangkay ni Ferdinand Marcos, na isang war hero, sa Libingan ng mga Bayani dahil sa poot.
Pinaghihinalaan kasi ni Tita Cory na si Marcos ang nag-utos na ipapatay ang kanyang esposo na Sen. Benigno Aquino.
Hanggang ngayon walang ebidensiya na si Marcos ang nag-utos na patayin si Ninoy.
Ngayon, itong si Noynoy, kaisa-isang anak na lalaki nina Cory at Ninoy, ay nagsasabing kapag siya ay nanalo sa presidential election, hindi niya papayagang maihimlay si Marcos sa “Libingan.”
Ang bangkay ni Marcos ay nasa isang refrigerated crypt sa Ilocos Norte at naghihintay na mailibing sa Libingan.
Hindi pa man siya Pangulo ay ipinakikita na ni Noynoy ang hindi magandang ugali na mapagtanim.
Ang isang magaling na lider ay mapagpatawad.
* * *
Isa sa mga party-list na naaprubahan ng Comelec na lumahok sa darating na eleksyon ay ang DIWA.
Ang DIWA, na ang ibig sabihin ay Democratic Independent Workers Association, ay binubuo ng lahat ng security guards sa buong bansa.
Kung lahat ng sikyo at kanilang mga pamilya ay boboto sa DIWA, magkakaroon sila ng kinatawan sa Kamara de Representantes.
Security guards and their dependents number by the hundreds of thousands.
BANDERA, 022610
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.