MAARI ba “ang akin ay akin” sa mga ari-arian ng mag asawa?
Marami sa mga binata at dalaga, lalong-lalo na sa mga millennial, na nagbabalak magpakasal na ayaw masakop ng system of absolute community of property o yung “ang sa’yo ay akin at ang akin ay sa’yo” na pinaiiral ng ating Family Code.
Isa na rito si Kapuso actress Carla Abellana na diumano’y nagpahayag na gustong magkaroon ng pre-nuptial agreement kung siya man ay ikakasal sa kanyang boyfriend na si Kapuso actor Tom Rodriguez.
Para sa mga nagbabalak magpakasal at gustong masakop ng complete separation of property o yung “ang akin ay akin”, ang una ay dapat mayroong pre-nuptial agreement bago ikasal.
Take note, hindi na pwedeng pumasok pa sa pre-nuptial agreement kapag tapos na ang kasalan.
Dito sa pre-nuptial agreement, magkakasundo ang ikakasal na sila ay masasakop ng “regime of complete separation of property” habang kasal.
Hindi naman ito kumplikado. Sa ilalim ng polisiya na ito, lahat ng ari-arian ng ikakasal ay mananatiling pag-aari ng bawat indibidwal sa kanila. Sila pa rin ang mangangasiwa at mag-eenjoy ng kanilang mga ari-arian. Kasama rito yung mga ari-arian bago ang kasalan at lahat ng mabibili, matatanggap, sweldo o makukuha nila habang sila ay kasal na. Sa madaling salita “ang akin ay akin” ang iiral sa mga ari-arian ng mag asawa habang kasal.
Dahil “ang akin ay akin”, hindi mo na kailangan ang consent o pirma ng iyong asawa para ibenta isangla o i-donate sa ibang tao ang iyong sariling pag-aari.
Wala rin pakialam ang asawa mo sa iyong ATM card dahil ang laman nito kung meron man ay sa iyo at iyo lamang.
Ang kagandahan nito sa mga asawang babae, sila ang mangangasiwa at masusunod kung ano ang gusto nilang bilhin o gawin sa kanilang mga ari-arian, hindi kagaya sa “regime of absolute community of property” na kakailanganin pa ang desisyon ng asawang lalaki.
Kung sakali naman na kinuha na ni Lord ang isa sa kanila o ang sinumpaang walang kamatayang pagmamahalan sa harapan ng altar ay hindi pala forever at nauwi sa hiwalayan, madali din mag-liquidate ang kanya-kanyang ari-arian dahil alam nila kung ano ang sa kanila.
Sa personal na utang ng iyong asawa na hindi nakinabang ang pamilya, ganun din ang prinsipyo. Ang utang mo ay utang mo. Kasi nga “ang akin ay akin”.
Sa pagdating naman ng hatian ng gastos para sa pamilya (family expenses), ang hatian ay dapat naaayon sa laki ng kaniya-kaniyang kita. Halimbawa, ang babae ay kumikita ng P40,000.00 at ang lalaki naman kumikita lamang ng P20,000.00, ang hatian sa gastos sa bahay ay 2:1. Kaya kung ang gastusin pambahay ay P30,000.00 kada buwan, ang ambag ng babae ay P20,000.00 at sa lalaki naman ay P10,000.00.
Papaano kung si babae lang ang gustong may pre-nuptial agreement at “ang akin ay akin”? Ang pre-nuptial agreement ay isang kontrata na boluntaryong pinapasok ng binata’t dalaga bago ikasal.
Kaya kung ayaw ni lalaki walang magiging pre-nuptial agreement at kapag natuloy pa din ang kasal nila, sila ay masasakop ng absolute community of property at ng “ang sa’yo ay akin at ang akin ay sa’yo”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.